Sibakin ang BIR Commissioner; at droga sa Batangas

 

MAY DAHILAN SI Bureau of Internal Revenue (BIR) Commissioner Kim Henares sa ginagawa nitong pagsampa ng kaliwa’t kanang kaso ng tax evasion laban sa iba’t ibang personalidad. Para nga naman maipakita sa taumbayan at sa kanyang “bosyo” na siya ay dibdiban sa kanyang trabaho na pangungulekta ng buwis.

Ngunit ang hindi alam ng karamihan, ginagawa lamang ito ni Comm. Henares upang mapagtakpan o hindi maungkat ang isang batas na siyang magiging basehan upang siya ay sibakin! Ito, parekoy, ang tinatawag na “Lateral Attrition Law” o LAL.

Itinatadhana sa nasabing batas, na ang sinumang opisyal o collector ng BIR o Bureau of Customs (BOC) na mabigong makulekta ang target collection o tax goal ng kanilang tanggapan sa loob ng isang taon ay masisibak ito.

Sa kaso ni Henares, maliwanag, parekoy, na simula nang maupo sa puwesto ay hindi pa nito naabot ang tax goal ng BIR!

Sa madaling salita, alam ni Comm. Henares na anumang oras na maungkat ang tungkol sa LAL ay halos tiyak na masisibak siya sa BIR.

‘Yan ang batas! At ‘yan ay kung paiiralin ni P-Noy ang batas na ‘yan!

Ang siste, may history ang pamahalaan ni P-Noy nang pagkampi sa kanyang mga KKK.

Gaya na lamang sa kaso ng LTO Chief na si Asec. Virgie Torres. At ng iba pang KKK.

Pero, sibakin man o hindi, dapat nang lumayas sa BIR itong si Commissioner Kim Henares.

‘Yan parekoy ay kung may natitira pa siyang delicadeza o hiya sa katawan! At dapat eh, NOW NA!!!

TAHIMIK AT PAKUYA-KUYAKOY lamang sa kanyang silya si Batangas Jail Warden, Ret. Col. Venus de Castro habang talamak naman ang bentahan ng iligal na droga sa loob ng nasabing kulungan.

Ayon sa ating tawiwit, malaki ang posibilidad na patong sa nasabing iligal na gawain ang nabanggit na warden, dahil mistulang bulag, pipi at bingi lamang ito.

Maliban sa iligal na droga, ibinunyag din ng ating tawiwit na maging ang cellphone ay naglipana rin sa loob ng Batangas Provincial Jail.

‘Yan, parekoy, ang problema kung ang gobernador ay isang artista na ang oras ay halos nauubos na sa pagpapaganda sa harap ng mga nagkikislapang kamera!

Aba eh, kapag hindi mauntog itong si Gov. Vilma Santos-Recto at patuloy lamang siyang maniniwala sa pangtsu-tsubibo sa kanya ng hinayupak na warden ay magigising na lamang itong si Ate Vi na puro na adik ang mga preso sa nasabing jail!

Payo natin dito sa “cute” na gobernadora ng Batangas ay sibakin na agad itong si Col. Venus de Castro! Dahil imposible nga na hindi ito mismo ang patong sa naglipanang droga sa kanyang kulungan.

At kesa naman ubusin ni Ate Vi ang kanyang oras sa pagdidisenyo ng mala-Hollywood na “signage” na pangarap niyang ipatayo sa may “tinggil” ng Bulkang Taal, ay unahin na siguro niya ang pag-linis sa nasabing kulungan!

‘Yan, parekoy, ay dapat gawin na agad ng cute na gobernadora.

Habang may maaabutan pa siyang hindi adik sa Batangas jail!

 

Makinig sa aking programang “ALARMA Kinse Trenta”, Lunes-Biyernes, 6-7 am, sa DZME 1530 kHz, at may “live stream” sa www.dzme1530.com. E-mail: junbriones69@yahoo.com; call or text 09321688734.

 

Target
ni June Briones
jabriones10@yahoo.com
09152121303

loading...

Leave a Reply

Your email address will not be published.