Si US Congressman Christopher Lee at si Dr. Hayden Kho

SA MARAMING PAGKAKATAON, pinupuri ng Pinoy ang kanyang sarili bilang konserbatibong lahi, sensitibo sa pakiramdam ng kanyang kapwa at nagtataglay ng mataas na kaisipan ng pang-unawa sa maraming bagay.

Madalas nga, pinipintasan natin ang mga taga-Estados Unidos at mga taga-Europe na walang modo dahil kayang makipaghalikan sa harap ng publiko.

Pero kung minsan, hindi rin natin alam kung tama ang paghahambing na ating ginagawa sa kultura ng iba’t ibang bansa.

Nabalitaan n’yo na marahil ang pagre-resign ni New York Congressman Christhoper Lee dahil lamang sa paglabas sa internet ng kanyang picture na topless. Nag-search ako sa internet at nakita natin ang picture na naging malaking eskandalo sa Amerika.

Simple lang ang litraro, nasa mirror ng comfort room si Congressman Lee na parang pinatitigas ang muscle ala-body builder. Ang kapansin-kapansin sa picture, hindi naman bastos dahil nakapantalon pa si Congressman.

Malaking isyu sa US politics iyon na nagtulak kay Lee para magbitiw.

Kung iisipin, puwede namang idepensa ang ganoong picture.

Gamitin lamang niya ang istilo ng mga pulitikong Pinoy at kakapalan pa niya nang konti ang kanyang  mukha, malulusutan n’ya iyon.

Simple lang, aminin niyang siya iyon pero wala siyang kinalaman sa paglalagay sa internet.

TULAD HALIMBAWA NI Dr. Hayden Kho.

Propesyunal itong tao ay kinikilala rin naman sa lipunan dahil sa pagiging actor at pagiging siyota ng celebrity doctor na si Vicki Belo.

Hindi ako magtataka kung bakit ganoon na lamang ang hinagpis ni Senador Bong Revilla nang maabsuwelto si Kho sa korte.

Una, kitang-kita na ang paglabag ni Kho sa karapatan ng babae laban sa pang-aabuso, nakalusot pa rin sa kaso.

Pangalawa, kung ikukumpara sa topless body ng US Congressman na karaniwan naman sa isang lalaki, malayong-malayo sa mga sex video ni Kho na labas na ang “ratbu”, iwinawagayway pa ang tumbong!

Bilang professional doctor at public figure ay sapat na sanang sangkap para panagutin ng korte si Kho pero hindi nangyari.

At ngayon, sa tindi ng kasalanan sa publiko ng lover boy ni Belo, may lakas pa siya ng loob na makipag-away kina Senador Revilla at Sharon Cuneta.

Naghubad man ng T-shirt si Congressman Lee, balot pa rin ng kahihiyan ang kanyang pagkatao na hindi tinaglay ng isang Doctor Hayden Kho.

ISA PANG NAKAKATUWA sa political culture sa Amerika ay ang isyung kinasangkutan ni former New York Governor David Paterson.

Si Paterson ay pumalit lang kay Governor Eliot Spitzer na nag-resign noong 2008 dahil sa alegasyong naging parokyano ito ng mga prostitute.

Umatras sa kanyang kandidatura para sa pagka-gobernador ulit sana ng New York si Paterson dahil naging isyu laban sa kanya ang pagtanggap niya ng libreng tiket para sa World Baseball series.

Paano ka namang hindi malulungkot sa bayang ito kapag nalaman mong may mga ganitong istorya na iba ang nagiging ending dito sa atin.

Ibang klase rito, nakalublob na sa sabaw ng bulalo, kaya pang magkaila at sabihin sa mga Pinoy na hindi siya namantikaan.

Ganito ang nagiging asal ngayon ng mga pulitiko, military at police generals at pati na mga taga-Commission on Audit.

Punung-puno na ang bibig ng kanin, nagkakaila pa dahil hindi naman daw siya nagkakanin, lugaw daw iyon!

Natuto na rin si Hayden Kho, huling-huli nang nakahubo’t hubad, ipinaglalaban pang naka-bathrobe siya!

Hayup na buhay ‘to!

allanpunglo@yahoo.com

Pulandit
Allan Encarnacion
allanpunglo@yahoo.com

loading...

One thought on “Si US Congressman Christopher Lee at si Dr. Hayden Kho

  1. Pingback: Tweets that mention Si US Congressman Christopher Lee at si Dr. Hayden Kho | Pinoy Parazzi -- Topsy.com

Leave a Reply

Your email address will not be published.