Si Gen. Sammy Pagdilao

BAGO ANG LAHAT, nais kong i-congratulate si Gen. Sammy Pagdilao sa kanyang pagkakahirang bilang bagong Regional Director ng Region 4-A na kilala sa tawag na CALABARZON (Cavite, Laguna, Batangas, Rizal, Quezon).

Si Pagdilao ay isa sa mga opisyal ng PNP na labis na iginagalang ng WANTED SA RADYO (WSR). Malaki rin ang pagrespeto ng inyong SHOOTING RANGE sa kanya bilang isang kaibigan at bilang isang public servant. Maraming beses na ring nasubukan ng WSR at ng inyong SHOOTING RANGE ang pagiging tapat ni Sammy sa kanyang sinumpaang tungkuling To Serve and Protect. Noong siya ay naging spokesperson ng PNP, maraming mga kasong pang-aabuso ng mga miyembro ng kapulisan ang inilapit namin sa kanya na nabigyan ng agarang solusyon.

Sa ilang pagkakataon, nagsilbi siya bilang guest co-anchor ng WSR at sa mga pagkakataong iyon, maraming sumbong laban sa mga tiwaling miyembro ng PNP ang nabigyan ng aksyon.

At noong siya ang District Director ng Northern Police District, natugunan niya ang talamak na problemang hulidap sa CAMANAVA (Caloocan, Malabon, Navotas, Valenzuela) na kinasangkutan ng ilang tiwaling mga miyembro ng PNP. Marami sa mga kasong hulidap na naresolba ni Sammy ay mga idinulog ng inyong SHOOTING RANGE base sa sumbong mula sa mga biktimang negosyanteng Chinese na lumapit sa WSR.

Sino nga ba si Gen. Pagdilao? Lingid sa kaalaman ng marami, isa rin siyang abogado. Nakapagtapos siya ng Abogasya sa University of Santo Tomas College of Law bilang cum laude. Noong 1987, ipinasa niya ang bar exam. Napapabilang si Sammy sa Class ’79 ng Philippine Military Academy (PMA) kung saan siya ay nagsilbi rin bilang class president. Nagtapos siya sa PMA bilang baron cadet.

Nakapag-schooling din si Gen. Pagdilao sa Royal Marine Commando sa England at sa FBI Academy sa US para sa kursong counter-terrorism. Nang minsang siya ay magsilbi bilang Chief of Police ng Caloocan, naging best city police station ang nasabing siyudad.

Maraming kasong kidnapping din ang nabigyan ng solusyon ni Gen. Pagdilao nang siya ay nakadestino sa Caloocan bilang Chief of Police at sa Cavite bilang Provincial Director. Kilala si Sammy ng mga listeners ng WSR bilang isang opisyal na hindi nagkukunsinti sa katiwalian ng kanyang mga tauhan. Bibihira na pumuri ang espasyong ito ng mga miyembro ng PNP, bagkus madalas na laman ng espasyong ito ang mga pagsisiwalat sa mga katiwalian ng kapulisan at pagkakastigo sa

mga pulis na abusado. Pero ang inyong SHOOTING RANGE ay naniniwala sa kasabihang give credit where credit is due. Kaya ang mga karapat-dapat ay kailangang mabigyan ng galang at ang mga barumbado ay dapat na kinakastigo.

Ang WSR ay mapakikinggan, Lunes hanggang Biyernes, tuwing 2:00 – 4:00 pm, sa 558 kHz DZXL. Ang DZXL Action Center ay matatagpuan sa 4th floor ABC Complex, Guadalupe, Makati. Sa mga gustong makipag-ugnayan sa WSR, mag-text sa 0917-7WANTED.

Panoorin ang OPLAN ZERO TAMBAY (OZT) tuwing Sabado, 4:30 – 5:30 pm, sa TV5. Ang OZT ay isang programang gumagabay sa mga taong kalye tungo sa kanilang pagbabagong-buhay.

Shooting Range
Raffy Tulfo

loading...

Leave a Reply

Your email address will not be published.