SI BONGBONG MARCOS AT ANG ‘VIRGIN MARY’ NG PAMPANGA

UUNAHIN NATIN, PAREKOY, itong magiting na gobernador ng Pampanga – ang tinaguriang ‘Vatican of Jueteng’, si madam Lilia Pineda na asawa ng kilalang gambling icon na si Bong Pineda.

Kaya natin binansagan itong ‘Virgin Mary’ ay dahil ginagampanan din ni Madam Governor ang pagiging ‘Mother of Perpetual Help’ o ‘Ina ng Laging Saklolo’.

Maganda sana kung sa kanyang mga mamamayan lamang laging nakasaklolo itong ina ng Pampanga… aba eh, lalo na kapag isyu ng sugal ang pinag-uusapan ay sumasaklolo kaagad si Madam Lilia.

Na kesyo walang iligal na sugal sa Pampanga!

At kaya ipinangangalandakan ni ‘Virgin Mary’ na walang iligal na sugal sa kanyang lugar dahil napapaniwala siya o kaya ay pinapaniwala niya ang sarili na ligal nga ang sugal na talamak ngayon sa kanyang lalawigan.

Dahil Small Time Lottery o STL daw ito… and therefore, legal.

Mali po ang paniwala mo, Madam… dahil kahit STL kunwari ang sugal sa lugar mo, kung hindi naman ito nagku-comply sa mga patakaran ng PCSO ay iligal pa rin ‘yan.

Sa ibang kahulugan, immoral!!!

Sandali, parekoy, uso pa ba sa nasabing lalawigan ang isyu ng moralidad sa mga pulitiko?

IPINANGALANDAKAN NI SEN. Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr. na kung hindi sana pinatalsik ang kanyang erpats na si dating diktador Ferdinand Marcos ay baka kahalintulad na tayo ngayon ng bansang Singapore!

Na ang ibig ipakahulugan ni Sen. Bongbong Marcos ay asensado na tayo ngayon kung hindi lamang sila pina-layas noon!

Susmaryosep, parekoy, ginawa naman tayong tanga nitong si Bongbong, aba eh, magagawa palang iangat ng kanyang tatay ang ekonomiya ng ating bansa bakit hindi nila ginawa sa napa-kahabang panahon nila sa pagiging diktador?

Tang’nang buhay ito, parekoy, oo… ginawa naman tayo ni Bongbong na parang “ulyanin”.

Sige, parekoy, ‘wag na nating pag-usapan ang i-lang bagay na maaari pang itanggi, dito na lamang tayo sa napatunayan na.

Matanong nga po kita magiting na Senador Bongbong Marcos, alam mo na ba kung ilan talaga ang eksaktong bilang ng mga tao na ayon sa korte ay mga biktima ng iyong tatay?

Alam mo na rin ba ang eksaktong halaga ng kayamanang ayon sa korte ay kinulimbat ng iyong ama?

Ibig pong sabihin mahal na senador, hindi lamang triple, kundi baka sampung doble pa ang inabot ng mga ‘yan kung sa nakalipas na 25 taon ay Marcos pa rin ang nakaupo sa Malakanyang! Grrrrrrrrrrr… Pwe!!!

INAANYAYAHAN KO PO kayong makinig sa aking programa sa radyo na ALARMA KINSE TRENTA, tuwing 6-7 ng umaga, Lunes hanggang Biyernes, sa DZME 1530 kHz (dulong kanan ng talapihitan).

Sa programang ito ninyo maririnig ang tunay na walang takot at walang kinikilingang komentaryo sa mga napapanahong isyu.

Maaari rin po ninyo akong marinig at mapanood sa internet, 6-7 ng umaga sa www.dzme1530.com

Anumang sumbong, i-text lang sa 09152121303 o kaya’y mag-e-mail sa junbriones69@yahoo.com

Target
ni June Briones
jabriones10@yahoo.com
09152121303

loading...

Leave a Reply

Your email address will not be published.