Showbiz Sabunan

ANG PINOY SHOWBIZ nga naman katulad ng sabon, multi-purpose din. Kung papansinin n’yo kasi sa ibang bansa, ang mga artista nila kanya-kanyang forte. Kung singer, go lang sa pagkanta at mga music videos pero hindi kailangang umarte. ‘Yung mga actors nga nila, iba ang pang-TV, iba rin ang pang-movies. Madalang sa mga actors nila ang nagko-crossover kasi kailangang super bigtime na sila bago magawa ‘yun. Pero wala tayo sa Hollywood, nasa ‘Pinas tayo.

Ang mga artista natin, kahit hindi marunong kumanta ay pinakakanta. Kaya kadalasan, lipsynch para hindi na magkalat sa noontime show na nilalabasan. Gaya na lang ni John Lloyd, magaling siyang umarte, kaso sa pagkanta lagpak siya. Heto pa si Richard Gomez, pilit ding pinapakanta ng mga ballads sintunado naman. Pati nga si Manny Pacquiao, talaga namang pati boses nakaka-knockout pero nagkaroon pa rin ng album. Parang gusto ko tuloy mag-suicide sa bunganga ng Mayon Volcano dahil sa mga ginagawa nila. Or sila na lang ang ihagis ko du’n para makatulong pa ako sa kapwa ko Pinoy.

Ganu’n din sa pagsasayaw, though mas tolerable naman ito kaysa sa pagkanta. ‘Yun nga lang, nakahihiya ‘yung mga artistang nagkakalat on stage lalo’t unedited at live ang dancing unlike singing na puwedeng i-record before the performance. In fairness, maraming batang artista sa ABS-CBN ang magaling talagang sumayaw. Pero marami pa ring artista ang kailangang palaklakin ng langis at magpaturo sa mga bulateng naasinan para sumayaw.

Meron din namang mga singers at mga dancers na sumasabak din sa acting. ‘Yung iba, mapapatambling ka dahil nakakagulat sila sa kahusayan nila sa acting. ‘Yung iba naman, parang mas nanaisin mo na lang maghagis ng TV sa ere at magmumura maghapon dahil walang kakuwenta-kuwenta ang ginagawang pag-arte. Parang mga SexBomb dancers, ang ilan marunong umarte, ‘yung iba natuto na lang dahil sa sandamakmak na seasons ng Daisy Siete. Pero ‘yung iba, talaga namang disappointment dahil kahit pagkatagal-tagal na ng Daisy Siete, wala pa ring pagbabago sa bad acting nila. Masasabi ko lang na magaling silang umarte kung magka-cartwheel sabay eggroll tapos iyak na mala-Juday na sa isang pisngi lang gumugulong ang luha.

Meron ding mga models na sumusubok din sa acting at ibang fields ng showbiz. ‘Yung iba, naging effective na actors. Gaya ni Angel Aquino na pinupuri ang acting sa mga movies na nagawa. Samantalang ‘yung iba, mas gugustuhin mong lumabas sa mga sexy films o mga sex scandals sa bangketa dahil mas maganda pang tingnan ang mukha at boobs nila kaysa sa mga drama at comedy na nilalabasan nila.

Ang mga artista natin, hindi dapat ipilit sa kanila ang hindi nila kaya. Kung saan sila magaling, ‘yun na lang paghusayan nila. Hindi naman na dapat dumugo pa ang eardrums ng audience dahil sa sintunadong kanta o mabalian pa sila ng buto sa pagsasayaw. Unless kailangan para sa role nila sa pelikula or talagang gusto nila, p’wede namang pag-aralan. Kung gagawin rin lang nila, ‘di ba dapat gawin na lang ang best nila? Gawin nila ito para sa fans nila hindi lang sa pera.

by Billycoy Dacuycoy

loading...

One thought on “Showbiz Sabunan

Leave a Reply

Your email address will not be published.