Shooting Range: Warrant of Arrest para sa Apat na “Hulidaper”

Isang warrant of arrest ang ipinalabas noong Martes, May 18, 2010, ng Taguig RTC Branch 266 para sa mga pulis na sina SPO2 Crescencio Manuel, PO3 Arnul Salvacion, PO2 Rosarosa Roberto Macul at PO1 Ponciano Belicario dahil sa kasong Robbery Extortion.

Si Manuel, Salvacion at Belicario ay pawang mga nakadestino sa Regional Support Group sa NCRPO sa Camp Bagong Diwa, Taguig. Samantalang si Macul naman ay nakabase sa headquarters ng Southern Police District (SPD).

Lumabas ang arrest warrant para sa nabanggit na apat na pulis matapos silang sampahan ng kaso ni Raffy Benson. Si Benson ay una nang lumapit sa WANTED SA RADYO noong taong 2008.

Noong June 1, 2008 ng gabi, inaresto ng grupo si Benson habang ito ay nakikipagkuwentuhan sa loob ng bakuran ng kanyang kaibigan sa Tramo, Pasay. Walang maibigay na dahilan ang mga pulis kay Benson kung bakit nila siya inaaresto. Dinala nila si Benson sa SPD jail cell at doon sinimot ang kanyang pera at mga alahas. Kinabukasan, nang mapansin ng mga pulis na wala na silang mapipiga pa rito saka lamang nila siya pinakawalan.

Mapalad si Benson dahil mayroong mapakikinabangan sa kanya nang siya’y hulidapin kaya hindi siya tinuluyang sampahan ng gawa-gawang kaso sa piskalya. Maging ang isa pang lalaki na napag-tripang hulihin ng grupo kasabay ni Benson ay napakawalan din matapos makapagbigay ng pera at cellphone.

Pero malas ng dalawa pang mga lalaki na kasama pa rin sa mga na-round-up ng nasabing mga pulis nang gabing iyon. Nang malaman nilang walang mapakikinabangan sa dalawa, kinulong nila ang mga ito nang mahigit 48-oras bago iniharap sa piskalya. Lupaypay at halos hindi na makalakad sa sobrang panghihina ang dalawang biktima nang dalhin nila ang mga ito sa piskalya dahil hindi nila sila pinatikim ng kahit na kakarampot na pagkain sa loob ng dalawang araw.

Napag-alaman ng WSR na ang apat na nabanggit na pulis ay talamak na hulidaper at patung-patong na ang mga nakasampang kaso laban sa kanila. Pero ang pinakamatindi sa grupo ay sina Belicario at Salvacion dahil bukod sa mga kasong robbery extortion mayroong din silang mga kasong murder.

Ang piyansa na nakasaad sa warrant of arrest para kina SPO2 Manuel, PO3 Salvacion, PO2 Macul at PO1 Belicario ay P100 thousand bawat isa. Sa sobrang taas ng halaga ng bail bond para sa apat na aabot sa halos kalahating milyon – P400 thousand – dapat maalarma ang mga mamamayan at mag-ingat.

Dahil kung nagkataon, marami-rami ring kailangang hulidapin ang grupong ito bago sila makapag-produce ng ganito kalaking halaga na panggagalingan ng kanilang pampiyansa.

Sa mga oras na sinusulat ang artikulong ito, inatasan na ni NCRPO chief General Roberto Rosales si Col. Rommel Miranda, spokesperson, para pagreportin sa kanyang tanggapan ang apat upang sila ay mai-turn over sa Branch 266. Kapag hindi sila tumugon, sila’y puwersahang aarestuhin sa kani-kanilang mga tahanan.

Shooting Range
Raffy Tulfo

loading...

Leave a Reply

Your email address will not be published.