Shooting Range: Sino ang maniniwala kay Grace Padaca?

HINDI MARUNONG TUMANGGAP ng pagkatalo itong dating komentaristang brodkaster at outgoing Isabela Governor Grace Padaca. Pagkaraan lang ng ilang taon, napasama na siya ngayon sa mga tinatawag na trapo (traditional politician).

At tulad ng isang tunay na trapo na hindi matanggap ang katotohanan na siya ay talunan, paiyak na sinasabi ngayon ni Padaca na siya ay dinaya ng kanyang nanalong katunggaling si Congressman Faustino “Bojie” Dy III.

Inakusahan ni Padaca si Dy ng vote buying noong kasagsagan ng kampanya. Ito ang itinuturo niyang dahilan kung bakit siya natalo.

Magiging kapani-paniwala ang mga sinasabi ni Padaca kung hindi sana siya ang nasa puwesto. Kaso, anim na taon din siyang namayagpag bilang pinakamakapangyarihan opisyal ng Isabela. At sa mga taong iyon, siya ang taong may kontrol sa pera ng probinsiya.

Sa loob din ng anim na taon ng kanyang pagiging gobernador, matiwasay na namayagpag ang jueteng sa Isabela at bumaha ang limpak-limpak na jueteng money.

Bilang gobernador, kontrolado niya ang Police Provincial Director (PD)—ang taong may kapangyarihan sa lahat ng mga pulis sa buong probinsiya. Kasama kasi sa pribilehiyong ibinibigay ng PNP sa isang gobernador ay ang pumili ng gusto nitong ipaupong PD.

At dahil ang governor ang pumili sa PD, ang PD ay sunud-sunuran sa kanya. Bilang nakaupong gobernador, malaki rin ang impluwensiya niya sa militar na nakabase sa kanyang probinsiya.

Ngayon, sinong maniniwala kay Padaca sa sinasabi niyang namili ng boto si Dy? Kung tutuusin – dahil siya ang may pera – siya pa nga dapat ang puwedeng maakusahan ng vote buying at kayang-kaya niyang gawin ito nang walang sagabal dahil malawak ang kanyang impluwensiya sa mga pulis at militar sa kanyang probinsiya.

Pero hindi makatarungang gamitin ang salitang vote buying sa Isabela dahil hindi naman bayaran ang mga taga-Isabela tulad ng ipinapalabas ni Padaca.

NOONG ELEKSIYON NG 2007, isa ako sa hindi makapaniwala at nagduda na tinalo ni Padaca ang kanyang katunggali noon na si dating Governor Benjamin Dy (nakatatandang kapatid ni Bojie) sa pagka-gobernador. Hindi nga ako nagkamali dahil noong December 2009, pinawalang-saysay ng Comelec ang pagkapanalo ni Padaca noong 2007.

Sa ginawang re-count ng mga boto, matapos maghain ng petisyon si Dy sa Comelec dahil sa aligasyong nagkaroon ng malawakang pandaraya na kagagawan ng kampo ni Padaca, napatunayan ng Comelec na si Dy ang totoong nanalo.

Kaya hindi ako makapaniwala na tinalo ni Padaca si Ben Dy dahil saksi ako kung gaano labis na kamahal ng masa ng Isabela si Ben. Noong siya ang nakaupong mayor sa Cauayan, Isabela, hanggang sa pagka-gobernador ng probinsiya, maraming taon na ang nakakaraan, nasaksihan ko ang araw-araw na walang patid na mahabang pila ng mga maliliit na mamamayan na nagsisimula ng madaling-araw sa kanyang tahanan hanggang sa kanyang opisina na humihingi ng iba’t ibang klaseng tulong.

Sino pa ngayon ang maniniwala kay Padaca?

Shooting Range
Raffy Tulfo

loading...

3 thoughts on “Shooting Range: Sino ang maniniwala kay Grace Padaca?

  1. tulfo is such a fool. he didn’t know what hehas been saying about Gov. Padaca. he must have been paid by the orther party or sucking up to them. shame on you! Grace is a good governor, she is not what you think she is.

  2. natanggap nya n ang pag katalo nya.. isa pa wla k nmng masabi kay grace kc napunan nya ng nawalang pera ng isabela.. well s susunod n uupo e higitan nyo sa kung kaya nyo.. well pra kay gov. grace hayaan m n ang mga taong sabik s pag upo s pwesto m..( bili nlng sna cla ng srili nlang butaka) lol………

Leave a Reply

Your email address will not be published.