Shooting Range: PCGG Commissioner, casino big player?!

ISANG HIGHLY RELIABLE source ang tumawag sa inyong SHOOTING RANGE noong Miyerkules para sabihin na talamak na sugarol si Presidential Commission on Good Government Commissioner Ricardo Abcede.

At hindi lamang ordinaryong sugarol daw si Abcede kundi siya’y isang big-time gambler. Halos tatlong gabi sa isang linggo makikitang pumupusta raw si Abcede sa big table ng baccarat sa isang casino sa Maynila.

Madalas umanong malasin si Abcede at umaabot sa P500 thousand ang kanyang napapatalo sa tuwing punta niya sa nasabing casino, ayon pa rin sa source. May mga pagkakataon pa nga raw na umaabot nang magdamag si Abcede sa pagsusugal.

Kung minsan, kapag natatalo raw si Abcede, animo’y nawawala raw ito sa sarili at hindi na normal ang kanyang mga ikinikilos, dagdag pa ng nasabing highly reliable source. Matatandaang lumabas sa media ang video footage ni Abcede sa isa niyang birthday party ilang taon na ang nakararaan na buong pagmamayabang na nakikipagsayaw sa taong iniimbestigahan niya at ng kanyang ahensiya, si Imelda Marcos. Ang tanong nga, gawain ba ito ng isang normal na opisyal ng gobyerno?

Kamakailan, pinagpipilitan ni Abcede na ipasubasta ang mga alahas ni Imelda. Ito’y sa kabila ng pagtutol ng kanyang mga kasamahan sa PCGG maging ang mismong boss niya na si Chairman Camilo Sabio. Gusto kasi ng mga kasamahan ni Abcede na ipaubaya na lang sa susunod na administrasyon ang desisyon tungkol sa pagdidispatsa sa mga alahas ni Imelda.

Ayon sa mga report, inetsa-pwera raw ni Abcede ang kanyang mga kasamahan at dumiskarte ito ng sarili sa pamamagitan ng pakikipagpulong sa mga opisyales ng Department of Finance at mga representante ng foreign auction houses tungkol sa pagsusubasta sa nasabing mga alahas na tinatayang aabot sa daan-daang milyong piso.

Ang hiling ng inyong SHOOTING RANGE kay Abcede ay gayahin niya ang kanyang mga kasamahan sa PCGG at hayaan na lang ang susunod na administrasyon na siyang magdesisyon kung anong gagawin sa mga alahas ni Imelda nang sa gayon ay hindi siya pagdududahan na kaya siya nagpupumilit ay baka gumigimik lang siya ng malaking puhunan para sa kanyang bisyo sa casino.

TAMA LANG TALAGA na hindi nanalo itong mga talunang kumandidato nitong nakaraang eleksiyon na nagdadadakdak ngayon at nagsasabing bago mag-eleksiyon, nilapitan daw sila ng isang tao/grupo na nag-aalok na dadayain ang eleksiyon para sa ikapapanalo nila kapalit ng malaking halaga.

Dahil kung totoo ang kanilang mga sinasabi, bakit hindi nila pina-entrap ang tao o mga taong lumapit sa kanila at nag-aalok ng pandaraya? Ang ibig sabihin lang nito, sila pala ay mga walang kuwentang tao at kinukunsinti ang mga katiwalian dahil pinili nilang manahimik na lamang sa halip na gumawa ng aksiyon.

Lumalabas ngayon na kaya pala nila ibinulgar ang nasabing katiwalian ay sapagkat sila ay talunan. Pero kapag sila ang mga nanalo, naturalmente, mananahimik na lamang sila.

Shooting Range
Raffy Tulfo

loading...

Leave a Reply

Your email address will not be published.