Shooting Range ni Raffy Tulfo: Takot na masaksak ng krayola ang isang kalihim?!

HALOS MALAGLAG AKO sa aking kinauupuan nang mabasa ko noong Lunes ang isang artikulo sa isang broadsheet tungkol sa DepEd Memorandum Order 103 na ipinalabas noong September 20 ni Education Secretary Armin Luistro.

Sa nasabing memo, pinaaarmasan ng baril ni Luistro ang mga matataas na opisyal sa DepEd. At kasama na rin siya rito. Pinaaarmasan din niya ang mga organic security escorts ng mga ito.

Ano na ba ang pumasok sa kukote ni Luistro at kayabangan ang unang inatupag ng tsimoy na ito sa halip na mag-isip kung papaano niya mapagaganda ang pagsisilbi sa publiko? Ang mga iba pang katanungan, sino ba ang mga kinakatakutan ni Luistro at ng kanyang mga alipores sa DepEd na magtatangka sa kanilang buhay?

Hindi ba naiisip ni Luistro na kapag siya at ang mga alipores niya halimbawa ay napadalaw sa isang elementary school at sila’y nakita ng mga paslit doon na may mga sukbit na baril at may mga bodyguard pa, magmumukha silang parang mga estupido at katawa-tawa?

Takot ba si Luistro na baka kuyugin sila ng mga paslit at pagsasaksakin ng mga krayola dahil punung-puno na ang mga ito sa galit sapagkat inutil ang DepEd sa mga ginagawang panghuhuthot sa kanila ng mga principal at guro?

Araw-araw, walang patid, ang WANTED SA RADYO (WSR) ay nakatatanggap ng sumbong mula sa mga magulang ng mag-aaral sa public schools at inirereklamo ang sangkatutak na mga contributions na kinokotong sa kanila ng eskuwelahan. Kapag hindi sila nakapagbigay, iniipit ang card ng kanilang mga anak, at ang masama pa kadalasan, pinapahiya’t pisikal na sinasaktan ang mga estudyante.

May mga reklamo na rin na natanggap ang WSR hinggil sa mga guro na nananabunot, nambubugbog at nangre-rape ng mga estudyante at tameme lang ang DepEd.

Kung tutuusin, ang mga estudyante pa nga dapat ang mabigyan ng proteksiyon at hindi ang mga inutil at korap sa DepEd. Korap, dahilan kaya napipilitan ang ilang mga guro at principal na mangotong sa mga estudyante na pambili ng electric fan o dili kaya’y pambayad sa kuryente at tubig ng eskuwelahan sapagkat hindi nakararating ang budget para sa kanilang eskuwelahan mula sa DepEd.

BAKIT KAYA SI Luistro ang napili ni President Noynoy na maging Kalihim ng Edukasyon? Sigurado ba si P-Noy na nasa maayos na pangkalahatang kalusugan itong kaibigan niyang si Luistro?

Ang mahirap kasi kay P-Noy, mas binibigyan niyang diin ang pagiging isang malapit na kaibigan at masugid na supporter para mabigyan ng puwesto ang isang tao sa kanyang gabinete sa halip na gawin niyang basehan ang kaalaman at kakayahan nito.

At ang mas lalong mahirap pa rito ay kapag pumalpak ang kaibigan at supporter niyang nabigyan ng puwesto, hindi niya kaya silang madisiplina o matanggal sa posisyon dahil sila ay malalapit sa kanya.

Isang ehemplo nito ay ang kaso ni Usec. Rico Puno ng DILG na pumalpak sa hostage-taking situation sa Quirino Grandstand at isinasangkot pa sa eskandalo sa Jueteng, ngunit taimtim na dinidepensahan pa rin ni P-Noy at ayaw niyang tanggapin ang resignation nito.

Ilan pa kaya sa mga miyembro ng gabinete ni P-Noy ang gagawa ng kapalpakan at masasangkot sa katiwalian, ngunit hindi niya kayang palitan dahil sila ay mga malalapit niyang kaibigan?

Shooting Range
Raffy Tulfo

loading...

One thought on “Shooting Range ni Raffy Tulfo: Takot na masaksak ng krayola ang isang kalihim?!

  1. Sigurado marami pang lulutang na kapalpakan sa mga appointees ni P-noy. Kasi naman malinis nga sya pero marami sa mga tauhan nya sa gobyerno ay nanglilimahid sa dumi ng gawain at itim ng budhi!

Leave a Reply

Your email address will not be published.