Shooting Range ni Raffy Tulfo: Sadista

SA NAPAKARAMING TAON ko ng pagiging brodkaster at manunulat, at pagtatanggap ng mga sumbong laban sa mga pulis, inakala kong narinig ko na ang lahat ng klase ng sumbong. Ngunit inaamin ko ngayon na ako’y nagkakamali dahil may isang sumbong na aking natanggap kamakailan na kakaiba at bukod tangi sa lahat.

Ang tinutukoy ko ay ang sumbong laban kay PO2 Hyrold Pineda Young ng follow-up section ng Navotas PNP. Si Young ay isinumbong sa WANTED SA RADYO (WSR) ng kanyang live-in partner noong nakaraang Biyernes, September 17.

Ayon sa live-in partner ni Young na si Gina (hindi niya tunay na pangalan), madalas siyang binubugbog ni Young. Dagdag pa ni Gina, kapag nakita na raw ni Young na lupaypay na siya sa sobrang pagkakabugbog at tadtad na sa pasa, agad raw siyang kinaka-sex nito.

Habang pumapalag si Gina dahil sa sobrang pahirap na inabot niya, lalong nagiging agresibo si Young. Sarap na sarap siyang nakikita na nagdurusa ang kinaka-sex niya lalo pa kapag ito ay pumapalag at nagmamakaawa.

Ngunit noong Huwebes, September 16, nang muling mangyari ang nasabing karahasan kay Gina, hindi na niya pinalampas ito at nagsumbong na siya sa WSR kinabukasan. Nang makaharap ko si Gina, tadtad ito ng pasa sa kanyang mga braso, dibdib, likod at tiyan. Pulang-pula rin ang kanyang kaliwang mata dahil sa kasusundot.

Naluluha si Gina habang isinasalaysay niya ang kanyang sumbong. Nang gabi noong Huwebes, pag-uwi ni Young sa tinutuluyan nilang dalawa, tinawag siya nito at pagkatapos ay pilit na pinaaamin na siya ay gumagamit ng shabu.

Sinabi raw ni Young kay Gina na huwag itong matakot na aminin na siya ay gumagamit ng droga. Dahil ayon kay Young, siya rin daw ay gumagamit ng shabu. At wala naman daw masama kung gumagamit si Gina ng shabu basta’t huwag lang daw ka-pot session nito ang kanyang Tito na si Peping.

Dahil wala namang dapat aminin, itinanggi ni Gina na siya ay gumagamit ng shabu at ka-relasyon niya si Peping. Nang tiyempong iyon, animo’y nawala na sa sarili si Young at pinagbubugbog na nito si Gina. Nang makita niyang mistulang gulay na si Gina, agad niyang kina-sex ito. Pilit mang pumapalag si Gina at ayaw niyang makipag-sex kay Young, wala siyang magawa dahil ubos na ang kanyang lakas.

Pagkatapos kong mapakinggan ang sumbong ni Gina, agad ko namang tinawagan ang Chief of Police ng Navotas na si Col. Bernard Tambaoan. Hindi na nag-aksaya ng panahon si Col. Tambaoan at agad siyang bumuo ng isang team para tugisin ang noo’y nagtatago nang si Young.

Kinabukasan, nang pumunta ang reporter ng WSR na si Benjie dela Cruz sa tanggapan ni Col. Tambaoan para samahan si Gina, napag-alaman niyang naaresto na si Young at nakita pa niya ito habang dinadala sa korte para i-inquest.

Si Young ay masasampahan ng kasong rape at kasong paglabag sa Republic Act 9262 – violence against women. Ang kasong ito ni Young ay non-bailable offense kung kaya’t hindi siya makapagpipiyansa.

Ang OPLAN ZERO TAMBAY (OZT) ay isang bagong public service program sa TV5 na mapapanood tuwing Linggo, 10:30-11:30 p.m. Ang OZT ay isang makabuluhang programa dahil ito ay nagbibigay ng mga trabaho sa mga taong-kanto para sila ay bigyan ng pagkakataong makapagbago at maging kapaki-pakinabang sa lipunan. Panoorin.

Shooting Range
Raffy Tulfo

loading...

One thought on “Shooting Range ni Raffy Tulfo: Sadista

  1. Idol….sana po lagi kayong mag UUPLOAD ng Bagong nyong VIDEO sa YOUTUBE para po lagi namin mapapanood ang mga BAGO nyong EPISODE at ung mga natutulungan nyo….kc don lang po namin napapanood ang kabuuan ng episode nyo…Thanks in Advance…OFW po ako at ilang beses ko na po paulit ulit na pinapanood ung VIDEO nyo sa YOUTUBE…..INGAT po lagi at GOD BLESS PO IDOL..

Leave a Reply

Your email address will not be published.