Shooting Range ni Raffy Tulfo: Saang planeta nanggaling ang bagong BIR Chief?

Anong planeta kaya ang pinanggalingan nitong si Atty. Kim Jacinto Henares, ang bagong BIR Commissioner, at wala siyang kamuwang-muwang sa mga tunay na kaganapan sa loob ng mundo ng BIR?

Sa panayam ni Karen Davila kay Kim Henares sa ANC noong nakaraang linggo, napag-usapan ang tungkol sa talamak na korapsyon sa loob ng BIR na dapat masugpo upang maisakatuparan ang collection target ng bureau.

Ipinagmalaki ni Henares kay Davila ang Revenue Integrity Protection Service (RIPS) ng Department of Finance (DoF) na kaagapay raw ng BIR sa pagtugis sa mga korap na kawani ng bureau sa pamamagitan ng pagsasagawa ng lifestyle check sa mga ito.

Para sa kaalaman ni Henares, maraming mga miyembro ng RIPS nitong nagdaang taon ang na-entrapped ng NBI at PNP-CIDG matapos tumanggap ng marked money mula sa mga korap na kawani ng BIR na kanilang nila-lifestyle check at kinikikilan. Maaaring tawagan ni Henares ang NBI at CIDG para makumpirma ang impormasyong ito.

Kasabay na ipinagmalaki rin ni Henares kay Davila ang Inspection Service (IS) ng BIR na siyang nag-iimbestiga at nagsasampa ng kaso laban sa mga tiwaling kabaro nila sa bureau. Magbigay nga ng pangalan si Henares ng isang mataas na opisyal ng BIR o kahit man lang isang Revenue District Officer (RDO) o Examiner ng bureau ang na-prosecute ng IS.

Unang-una na, paano magagawang imbestigahan ng isang operatiba ng IS ang isang kabaro niya na mismong kaibigan pa niya o dili kaya’y kaibigan ng kaibigan niya? Pangalawa, bakit pa niya sasampahan ng kaso ang isang kasamahan niya sa BIR na nagbibigay na ng tong sa kanya?

Para na rin sa kaalaman ni Henares, ang National Investigation Division (NID), dating Anti-Tax Fraud, ang pinakakorap na siguro na departamento ng BIR.

Sakaling ‘di pa man alam ni Henares dahil bagong salta lamang siguro siya sa ating planeta, ang NID ay redundant na lamang ng ibang departament ng bureau at dinu-duplicate na lamang nito ang mga functions nila.

Bagamat ang NID ay “xerox copy” na lang sa BIR, pero ito ang labis na kinatatakutan dahil sila ang pinakamatindi kung mangikil. Subukan ni Henares na mag-post ng topic sa kanyang Twitter account tungkol sa mga korap na empleyado ng NID at mag-imbita siya ng mga magsusumbong laban sa mga empleyado nito. Sigurado akong babahain siya.

Kung seryoso si Henares na malinis ang korapsyon sa BIR, huwag siyang umasa sa RIPS at buwagin na niya ang IS at NID. At magbuo siya ng isang independent body na mag-iimbestiga at magpo-prosecute sa mga tiwaling kawani ng kanyang bureau tulad ng ICAC (Independent Commission Against Corruption) ng Hongkong. Ang grupong ito ay kinabibilangan ng mga private citizens at miyembro ng iba’t ibang civic groups na may mataas na kredibilidad at integridad.

Itigil na rin ni Henares ang pagbibigay ng pronouncement, tulad ng mga ginagawa ng mga nauna sa kanyang mga commissioner, na tutugisin ng BIR ang mga showbiz celebrities para makuha lamang ang atensiyon ng showbiz-tsismis-hungry Filipinos at pati siya ay agad na sumikat.

Shooting Range
Raffy Tulfo

loading...

Leave a Reply

Your email address will not be published.