Shooting Range ni Raffy Tulfo: Prangkisa Para sa Smuggling

BUKOD KAY ROTONI Aurinto, tatlo pa ring dating empleyadong Pilipino ng mga kumpanyang Mega System Enterprises, Solid Tone Enterprises, Manila Solid Enterprises at EPSON Enterprises, na pag-aari ng mga magkakamag-anak na sina Vicente Chua, Teresita Chua Chiong, Antonio Chua at Marcela Dy, ang dumulog sa WANTED SA RADYO (WSR).

Ang tatlo ay mga Sales Representative ng nabanggit na mga kumpanya. Ayon sa kanila, sila’y umalis doon dahil ‘di nila makayanan ang mga hindi makatarungan at makataong pagturing sa kanila ng kanilang mga among Chinoy.

Isang halimbawa raw rito ay ang paglalagay ng kanilang mesa sa tabi mismo ng kulungan ng alagang tigre ng kanilang mga amo. Isang malaking payong lang daw ang nagsisilbing silungan nila para ‘di mainitan at maulanan.

Pero ang pinakamasaklap daw sa lahat ay nang sila ay makapaglipat ng bagong kumpanyang pagtatrabahuhan, pinadadalhan umano ng liham ng mga kumpanya ng Chua ang mga bago nilang amo upang sila ay siraan. Sa nasabing liham – na ipinakita sa WSR, nakasaad doon na binabalaan ang lahat laban sa tatlo, dahil ang mga ito raw ay may mga kaso sa mga korte sa Maynila na isinampa ng mga Chua.

Ngunit nang magberepika ang WSR sa Chief Prosecutor’s Office ng Manila, walang nakabinbin na kaso ang tatlo sa mga korte roon. Dahil sa ginagawang harassment umano ng mga Chua sa tatlo, nagdesisyon silang isumbong ang mga kumpanya ng Chua sa BIR at NBI. Nagpakita sila ng mga dokumento at iba pang ebidensiya na nandaraya umano sa buwis ang nasabing mga kumpanya at nagbebenta ng mga pekeng produkto.

NOON PA MAN, makailang ulit nang nasabi ng inyong SHOOTING RANGE na si President Noynoy, tulad ng kanyang inang si Tita Cory, ay hindi korap na tao at hindi siya kukulimbat ni isang kusing sa kaban ng bayan.

Ngunit sinabi rin ng inyong SHOOTING RANGE na magkakaroon pa rin ng malawakang korapsyon sa administrasyon ni P-Noy at ito ay dahil sa mga taong ipinuwesto niya. Ang mga taong ito ang siyang gagawa ng mga kawalanghiyaan na wala siyang kinalaman.

Isang halimbawa na lang ay itong nangyayari ngayon sa loob ng Bureau of Customs (BOC). Isang alyas David Ong ang napapabalitang nabigyan umano ng “prangkisa” ng isang opisyal ng bureau upang makapag-smuggle.

Tanging si Ong lamang daw ang pinahihintulutang makapagtrabaho sa mga pier nang hindi ginagambala ang mga kargamento. Isang alyas Christian naman ang napapabalita na kumukuha ng malaking weekly “franchise fee” mula kay Ong at ibinibigay naman umano ang perang ito sa nasabing opisyal ng bureau.

Kamakailan, bumili raw ng malaking lote ang naturang opisyal sa isang exclusive subdivision sa Metro Manila para pagpatayuan ng malaking istruktura, kung saan doon titira ang kanyang mga security at doon din daw igagarahe ang kanyang magagarbong SUV. Ang nasabing lote ay katabi lang daw mismo ng bahay na tinitirhan niya ngayon.

Para sa inyong mga sumbong at reklamo, mag-text sa 0917-7WANTED. Ang WANTED SA RADYO ay mapakikinggan Lunes hanggang Biyernes sa 558 khz, DZXL, tuwing 2-4 p.m.

Shooting Range
Raffy Tulfo

loading...

Leave a Reply

Your email address will not be published.