Shooting Range ni Raffy Tulfo: Nagbubulag-bulagan at Nagbibingi-bingihan

KUNG TALAGANG SERYOSO ang gobyerno na linisin ang mga tiwali sa PNP at pagandahin ang imahe nito, huwag lamang sa jueteng ituon nila ang kanilang pansin.

Nagkakagulo ngayon sa DILG at PNP matapos sabihin ni Retired Archbishop Oscar Cruz na may mga opisyales ng pamahalaan ang tumatanggap ng tong mula sa mga gambling lord. ‘Di kalaunan, nagkasanga-sanga na rin ito at pumutok din ang balitang ilang matataas na opisyal ng PNP ang tumatanggap din ng jueteng payola.

At dahil dito, nagpalabas ng babala ang bagong PNP Chief na si Director General Raul Bacalzo sa kapulisan hinggil sa tinatawag na one-strike policy—na ang ibig sabihin, isang beses lang na may maarestong mga jueteng operators sa isang siyudad halimbawa, agad na masisibak sa puwesto ang chief of police.

Bakit hindi rin pagtuunan ng pansin ng gobyerno at ng pamunuan ng PNP ang mas importante at mas seryosong problemang kinakaharap ngayon ng kapulisan na siyang tunay na sumisira sa imahe ng PNP?

Unang-una na ay ang ginagawang talamak na panghuhulidap ng mga pulis sa mga drug pusher. Pagkatapos nilang mahuli ang mga pusher at masamsam ang kanilang mga pera at shabu, agad itong pinapakawalan. At ang mga shabu ay muling ibinibenta sa mga lansangan.

Pangalawa ay ang ginagawang pagpaplanta ng ebidensiya sa mga inosenteng mamamayan para lamang makotongan nila. Ang masaklap pa, kapag walang nakotong na sapat na pera sa kanilang biktima, tinutuluyan nila itong ipakulong para mapagtakpan ang kanilang kawalang-hiyaan at hindi sila sumabit at mabalikan.

Pangatlo, ang walang kamatayang pangongotong ng mga pulis sa mga motorista partikular na sa mga driver ng delivery van, public utility vehicles at mga driver ng motorsiklo. Sa halip na maghanap sila ng mga kriminal na mahuhuli, nag-aabang ang mga pulis na ito ng mga nabanggit na motorista na makapag-commit ng traffic violation para kanilang paparahin at pasusunurin sa presinto kahit hindi sila mga deputized traffic enforcers. Pagdating sa presinto, kinokotongan ang mga biktima. Kapag minalas-malas ang mga biktima dahil wala silang sapat na perang pang-tong, kinukulong sila at inuutusang tawagan ang mga kamag-anak para magdala ng pera sa presinto.

Pang-apat, ang ginagawang pangongotong sa mga vendors.

Pang-lima, ang pag-aaresto sa mga ordinaryong mamamayan na ang tanging mga kasalanan lamang ay sapagkat sila ang nakursunadahan ng mga pulis na madala sa presinto dahil sa kasong bagansya. Pagdating ng presinto, kapag walang naipakitang sapat na ID ang mga biktima, kinukulong sila at saka lamang pinapakawalan kapag nakapagbigay na ng tong.

Pang-anim, ang talamak na paghuhuli sa mga truck na may mga lamang kalakal na pag-aari ng mga Intsik. Dinadala ang truck at ang driver sa presinto. Inuutusan ang driver na papuntahin ang kanyang amo sa police station. Pagdating ng police station, kinukulong ang Intsik dahil daw sa kasong smuggling. Nakakalaya lamang ito kapag sumuka na ng pera.

Ang mga nabanggit kong katiwalian ay ilan lamang sa talamak na kawalanghiyaan na araw-araw nangyayari sa ating mga lansangan, ngunit tila nagbubulag-bulagan at nagbibingi-bingihan ang ating gobyerno sa mga seryosong problemang ito. Inaantay pa siguro ng ating mga kinauukulan na mag-alburuto muna ang isang Archbishop tulad ni Cruz bago nila bigyan ng pansin at aksyon ang nasabing mga problema.

Panoorin ang Oplan Zero Tambay (OZT) tuwing Linggo, 10:30-11:30 p.m. sa TV5. Ang OZT ang tanging programa sa telebisyon na nagbibigay ng bagong buhay at pag-asa sa mga istambay sa pamamagitan ng pagbibigay sa kanila ng mga trabaho.

Shooting Range
Raffy Tulfo

loading...

Leave a Reply

Your email address will not be published.