Shooting Range ni Raffy Tulfo: Mayor versus Governor

ANO ITONG BALITANG ibinato ng isang asset ng inyong SHOOTING RANGE na ang isang nagngangalang Mike Bahas, nakatalaga sa tanggapan ng Office of the Commissioner ng Bureau of Customs (BOC), matapos umano’y mahulog sa isang entrapment operation na inilatag ng mga operatiba ng CIDG ng Manila Police District ay patuloy pa ring namamayagpag sa mga pier?

Ayon pa sa nasabing asset, si Bahas, kasama ang mga nagngangalang Wilmar Uban at Gerry Avila ay ipina-entrap ng isang negosyante matapos siyang kikilan umano ng tatlo para ‘di nila ipitin ang kanyang mga kargamento.

Bagama’t kasama raw sa mga naposasan umano si Bahas, nakapagtataka na hindi raw ito kinasuhan maliban na lang kina Uban at Avila. Si Bahas ay tauhan umano ng isang Atty. Antonio Hilario, samantalang si Hilario naman ay isa umano sa mga special assistant ni BOC Commissioner Lito Alvarez.

Ano rin itong balitang ipinaabot ng isa pa ring asset na isang Intsik na ni-raid noon ng Presidential Anti-Smuggling Group ang bodega, kung saan nasakote ng grupo ang tone-toneladang mga flour dito, ay mas lalong namamayagpag ang kanyang smuggling activities ngayon?

Dagdag pa ng asset, kasama raw ang TV show na BITAG nang isinagawa ng PASG ang pagsalakay noon sa bodega ng nasabing Intsik na gumagamit ng pseudonym na “Cimen”. Kaya raw hindi inaabala ngayon ang mga kargamento ni Cimen ay dahil kaanib siya sa grupo ng isa pa ring Instik na gumagamit naman ng pseudonym na “David Ong”.

Matatandaan na si Ong ay naisulat sa espasyong ito noong nakaraang Miyerkules dahil sa isang sumbong na siya lamang umano ang nabigyan ng “prangkisa” para sa “smuggling rights”. Isang sports personality na gumagamit naman ng pseudonym na “Christian”, na super dikit kay Alvarez, ang siya namang padrino ng grupo ni Ong, sabi pa rin ng asset.

Ayon pa rin sa asset, binitbit umano minsan ni Christian sina Ong at Cimen sa tanggapan ng isang mataas na opisyal ng BOC para sa isang get-to-know-you meeting.

INAASAHAN NA SA araw na ito matutuloy na rin ang pagpapasara sa isang malaking poultry farm sa San Miguel, Bulacan na matagal nang inirereklamo dahil ito ay banta sa kalusugan ng maraming residente roon, bukod pa sa wala itong permit sa barangay at munisipyo.

Kamakailan, ‘di natuloy ang tangkang pagpapasara ni Mayor Roderick Tiongson ng San Miguel sa nasabing farm dahil lumiham si Bulacan Governor Wilhermino Alvarado kay Tiongson para ipagpaliban ang tangkang pagpapasara rito.

Nakausap ng inyong SHOOTING RANGE sina Tiongson at Alvarado noong Miyerkules. Sinabi ni Tiongson na desidido siyang pakinggan ang hinaing ng kanyang mga constituents at ipasara na ang mabahong poultry farm.

Sinabi naman ni Alvarado na hindi naman daw siya nakikialam sa mga pamamalakad ni Tiongson at ibeberipika raw niya kung nanggaling nga talaga sa kanya ang nasabing liham at kung siya nga raw talaga ang pumirma roon!?

Nangako si Alvarado sa inyong SHOOTING RANGE na ipauubaya na niya kay Tiongson ang desisyon sa pagpapasara sa nasabing farm na itinutulak ng inyong SHOOTING RANGE na magaganap sa araw na ito.

Sana nga lang tumupad sa usapan si Gob at ‘di na sila muling magkabanggaan ni Mayor.

Shooting Range
Raffy Tulfo

loading...

Leave a Reply

Your email address will not be published.