Shooting Range ni Raffy Tulfo: Mababaw si Col. Bajao

MATAAS ANG PAGRESPETO ko sa mga sundalo sapagkat ang aking yumaong ama ay isang retiradong sundalo ng Philippine Constabulary. Isa siyang colonel.

Ang pagkakakilala ko sa mga sundalo – base sa karanasan ko sa aking yumaong ama – ay mga taong malawak ang mga pag-iisip at pananaw. Wala sa bokabularyo nila ang salitang reklamador. Ang salitang disiplina ang nangunguna sa bokabularyo ng mga sundalo.

Pero tila wala sa mga nabanggit na katangiang ito si Philippine Army (PA) Lt. Col. Adonis Bajao. Kung hihiramin ko ang paboritong linya ng anak kong dalagita, masasabi kong “hindi maka-get over si Bajao sa isang problemang napakababaw”.

Noong September 3, 2010 ng umaga sa loob ng UST compound, nagulat na lamang ang taxi driver na si Jose Merquillo nang biglang may humarang na isang Revo sa harap ng kanyang taxi. At bago pa man niya maibaba ang kanyang pasahero, bigla siyang hinatak ng isang lalaking may maneho nito at sabay na pinagsusuntok. Natigil lamang ang panununtok ng nasabing lalaki ng dumating ang mga security guard ng nasabing eskuwelahan at inawat ang kaguluhan.

Parehong dinala ang dalawa sa security office. Doon, nagpakilala ang nasabing lalaki na siya ay isang colonel ng PNP na nakabase sa Camp Crame at ang pangalan niya ay Adonis Bajao. Sinabi din ni Bajao na muntikan nang masagi ni Merquillo ang kanyang anak na papasok sa gate ng UST. Matapos makunan ng salaysay ang dalawa, kinuha ni Bajao ang lisensya ni Merquillo sa security guard na nag-iimbestiga ng kaso at agad na lumayas. Bagama’t ayaw sanang ibigay ng SG ang lisensiya ni Merquillo kay Bajao, napilitan ito dahil sa pag-aakala niyang si Bajao ay totoong colonel ng Camp Crame.

Ngunit sa ginawang pagre-research ng WANTED SA RADYO (WSR), aming napag-alaman na si Bajao pala ay miyembro ng Philippine Army at hindi ng PNP. Nakapanayam ng WSR si Bajao at ipinaliwanag namin sa kanya na wala siyang karapatang mangumpiska ng lisensiya.

Sinabi ni Bajao sa akin na kailangan niya munang makausap si Merquillo sa CIDG sa Camp Crame bago niya ibalik ang lisensiya nito. Hindi ako pumayag. Tinawagan ko ang spokesperson ng DND na si Usec. Ed Batac at ipinarating ko ang reklamo laban kay Bajao. Hiniling ni Batac sa akin na patawagin sa kanya si Bajao. Nang mga oras na iyon, naka-monitor ang spokesperson ng PA na si Maj. Enrico Ileto sa WSR. Tumawag sa akin si Ileto at sinabi nitong sa kanya na lang idulog ang problema at kaya niya itong ayusin. Ngunit kinabukasan, hindi naobliga ni Ileto si Bajao na isoli ang lisensiya.

Dumulog si Bajao sa LTFRB at hiniling niya sa nasabing tanggapan na parusahan si Merquillo. Hindi pinatulan ng LTFRB ang kahilingan ni Bajao, bagkus hiniling ng LTFRB kay Bajao na isoli ang lisensiya ni Merquillo. Nakaharap ni Bajao sa LTFRB si Merquillo at ang field reporter ng WSR.

Ayaw pa ring sumurender ni Bajao. Hiniling niya kay Merquillo at sa field reporter na mula sa LTFRB, dumiretso sila ng CIDG  at doon daw niya ibibigay ang lisensiya. Hindi pumayag ang field reporter. Sa bandang huli, napilitan ding sumuko si Bajao at isinoli niya ang lisensiya ni Merquillo. Masuwerte pa rin si Bajao at ayaw magsampa ng demanda si Merquillo laban sa kanya, kundi, baka matulad siya kay Capt. Rolando Mendoza na nasibak sa serbisyo dahil sa reklamo.

Shooting Range
Raffy Tulfo

loading...

Leave a Reply

Your email address will not be published.