Shooting Range ni Raffy Tulfo: Inapi na ng Kanyang mga Amo, Inapi pa ng Gobyerno!

SI ROTONI AURINTO, 35 years old, ng Banawe, Quezon City at dating delivery driver ay kasalukuyang nakapiit sa Camp Karingal. Si Aurinto ay nakakulong ngayon hindi dahil siya’y isang kawatan, kundi dahil isinumbong niya ang mga kawatan.

Si Aurinto ay humihimas ng mga malalamig na rehas ngayon dahil din sa istupido, bobo at maaaring korap pa sigurong Piskal na humawak ng kanyang kaso.

Noong nakaraang taon, ipinakiusap ni Aurinto sa kanyang mga amo sa Mega System Entreprises na kung maaari ay maibigay na sa kanya ang tatlong taong halaga ng 13th month pay na hindi pa niya natatanggap.

Ipinakiusap din ni Aurinto na kung puwede ay huwag nang ibawas sa kanyang suweldo ang mga problemang nangyayari sa delivery na wala naman siyang kinalaman. Halimbawa rito ay ang mga ticket sa smoke belching violations ng minamaneho niyang delivery truck na siya ang palaging pinagbabayad sa pamamagitan ng kaltas sa sahod.

Kapag halimbawa, hindi niya nakukumpleto ang isang delivery sa maghapon dahil sa traffic at gahol na sa oras, kinakaltasan din siya ng P500 pagdating ng suweldo. Ipinakiusap din ni Aurinto na sana mabayaran siya ng overtime pay sa kanyang mga deliveries na kung minsan ay umaabot ng hanggang hating-gabi. Hiniling din niya na kung maaari ay mabigyan siya ng payslip sa bawat sahod.

Napikon ang amo niyang intsik sa kanyang mga ipinapakiusap at sinibak siya sa kanyang trabaho. Nagsumbong si Aurinto sa National Labor Relations Commission (NLRC). Kinasuhan niya ang kanyang dating mga amo ng illegal dismissal at non-payment of benefits. Sa kanyang reklamo inilagay niya bilang mga respondents ang Mega System Enterprises, Solid Tone Enterprises, Manila Solid Enterprises at Epson Enterprises. Isinama rin niya ang mga pangalan ng mga magkakamag-anak na sina Vicente Chua, Teresita Chua Chong, Antonio Chua at Marcela Dy.

Ang pagkakaalam kasi ni Aurinto, empleyado siya ng lahat ng mga nabanggit na kumpanya at mga tao, sapagkat ang mga ito ang pinagsisilbihan niya.

Pinanigan ng NLRC ang reklamo ni Aurinto pero P7,000.00 lamang daw ang halagang maaaring makuha niya sa dati niyang kumpanya, ayon pa sa moron na Labor Arbiter na si Jose De Vera.

Bumuwelta naman ang isa sa mga respondents na si Vicente Chua at nagsampa ng kasong perjury sa Quezon City RTC laban kay Aurinto. Ayon sa Intsik na ito, hindi raw siya nagmamay-ari ng kahit isa sa mga kumpanyang inireklamo ni Aurinto sa NLRC at siya ay empleyado lamang din ng Mega System Enterprises bilang sales manager.

Pinanigan ng piskal ang kasong isinampa ni Chua laban kay Aurinto at iniakyat ang kaso sa sala ni Judge Madonna Echeverri ng Branch 41 at agad na nagpalabas naman ng warrant of arrest si Echeverri na may kalakip na piyansang P24 thousand.

Sa kasalukuyan, tinutulungan ng WANTED SA RADYO (WSR) si Aurinto. Ang WSR ang maglalagak ng perang pampiyansa para kay Aurinto dahil sa WSR unang lumapit ito noong nakaraang taon. Ang Public Attorney’s Office (PAO) ang magbibigay ng libreng legal assistance kay Aurinto.

Magsasagawa ng malawakan at malalim na imbestigasyon ang WSR tungkol sa kaso ni Aurinto.

Shooting Range
Raffy Tulfo

loading...

Leave a Reply

Your email address will not be published.