Shooting Range ni Raffy Tulfo: Bakit nababahag ang buntot ng mga Pilipino?

Mukhang sobra-sobra na at wala na sa lugar ang ipinapakitang pagkakabahala ng marami sa atin sa naganap na hostage-taking situation sa Quirino Grandstand kamakailan, kung saan walong hostages na mga turistang Hong Kong nationals ang sinamang-palad na napatay ng Pilipinong hostage-taker na si Police Senior Inspector Rolando Mendoza.

Dapat lang na tayong mga Pilipino ay maging malungkot at makisimpatiya sa mga naging biktima ni Mendoza. At dapat lang din na iparating natin sa mga taga-Hong Kong ang ating pagkundena sa karumal-dumal na krimen na ginawa ng kababayan nating si Mendoza.

Pero hindi na tama na ipakita nating mga Pilipino sa mga taga-Hong Kong ang ating labis na takot at pagkabahala sa kung ano ang kanilang sasabihin at magiging reaksiyon kaugnay sa nasabing insidente na halos halikan na natin ang kanilang mga talampakan.

Kung ating matatandaan, may ilang taon na ang nakararaan, isang Chinese ang nagwala sa isang lansangan sa Hong Kong at nambuhos ng asido sa mga turista. Ilan sa mga nabuhusan ng asido ay mga turistang Pilipino. Meron pa nga roon na isang magkaka-pamilyang Pilipino ang napasama sa mga naging biktima. Ang tanong, nagpakita ba ng takot at pagkahiya ang Chinese government sa ating mga Pilipino dahil sa nasabing insidente?

Marami ring mga insidente kung saan ang mga kababayan nating OFW sa Hong Kong ay minamaltrato at ang iba pa nga sa kanila ay umuwi ng bangkay rito. Nagpakita ba ng pagsimpatya at pagkahiya ang Chinese government at mga Hong Kong nationals dahil sa nasabing mga insidente?

Kaya marahil walang pagrespeto ang mga Chinese sa atin ay dahil tayo mismo ay hindi nagpapakita ng pagrespeto sa ating mga sarili. Masyado tayong natatakot sa kung ano ang iisipin nila sa atin.

Siguro, dahil ayaw nating makumpromiso ang ating mga OFW roon. Oo nga, marami tayong mga kababayan na mga naghahanap-buhay sa Hong Kong pero hindi ibig sabihin na tayo ay magpapakita na ng labis na takot sa kanila na parang tayo ay mga alipin na nila.

Okay lang ba sa atin na tayo at ang ating bansa na walang kinalaman sa pangho-hostage ni Mendoza ay lantarang binabastos ng Chinese government?

Kaliwa’t kanan na kasi ang ginagawang pagbo-boykot ng mga Chinese diplomats sa mga nagaganap na political at trade affairs dito sa bansa na wala namang koneksiyon kay Mendoza. At animo’y ginagatungan pa natin ang mga ginagawang pambabastos nilang ito sa atin dahil agad tayong lumulundag at natataranta sa hindi nila pagpunta. Agad tayong nag-iingay at naghahanap ng mga masisisi.

Ang pag-boykot ng mga turistang Chinese at hindi muna nila pagpunta sa ating bansa dahil sa ginawa ni Mendoza ay normal lamang dala ng takot. Pero ang sadyang hindi pag-attend ng mga Chinese officials sa mga importante at matagal nang naiskedyul na political event dito sa Pilipinas dahil kay Mendoza ay isang kahangalan. At ipinapakita lamang ng mga Intsik na ito na wala silang pagrespeto sa ating mga Pilipino.

Shooting Range
Raffy Tulfo

loading...

Leave a Reply

Your email address will not be published.