Shooting Range ni Raffy Tulfo: Ang walang kukote sa Department of Finance!

SAMU’T SARING REAKSIYON ang natanggap ng inyong SHOOTING RANGE hinggil sa nakaraang artikulo na lumabas sa espasyong ito noong Biyernes na pinamagatang “Saang planeta nanggaling ang bagong BIR Chief?”

Si Luis (‘di niya tunay na pangalan), isang negosyanteng Chinoy sa Binondo, ay nagpadala ng e-mail at sinabi niyang magkakaroon ng revamp sa Reveneu Integrity & Protection Service (RIPS), ito ay ayon na rin daw sa isa niyang malapit na kakilala sa Department of Finance (DoF).

Mapapalitan na rin daw ang pangalan ng RIPS at ito ay gagawing Reveneu Integrity & Protection Office (RIPO) at ang mangangasiwa ng bagong tanggapang ito ay pawang mga kawani daw ng BIR.

Kung totoo man ang balitang nasagap ni Luis at kung sino mang opisyal sa DoF ang may pakana na mga taga-BIR na ang magpapatakbo ng RIPO – ang dating RIPS – ay isang taong wala ni katiting na common sense. Ikaw ba ito DoF Secretary Cesar V. Purisima?

Para sa kaalaman ni Purisima, ang isa sa pangunahing layunin ng RIPS nang ito ay binuo sa pamamagitan ng Executive Order 259 noong December 17, 2003, ay para imbestigahan at kasuhan ang mga tiwaling empleyado ng BIR.

Paano tutugisin ngayon ng mga taga-RIPO ang mga kabaro nila sa BIR? Baka gustong gayahin ng blankong kukoteng si Purisima ang istilo ng PNP kung saan ang Internal Affairs Service (IAS) nito na kinabibilangan ng mga pulis ang siyang nag-iimbestiga sa mga kasamahan nilang pulis.

Magsabi lamang si Purisima sa inyong SHOOTING RANGE at bibigyan ko ang nilalang na ito ng listahan ng dose-dosenang kasong ni-refer ng WANTED SA RADYO (WSR) sa IAS maraming taon na ang nakakaraan na hanggang ngayon ay hindi pa rin naaaksiyunan. Ito ang dahilan kung bakit hindi na kinikilala ng WSR ang IAS.

Kaya pala noong minsan sa isang TV interview sa UP Professor at ekonomistang si Winnie Monsod tungkol sa kanyang comment hinggil sa posibleng pagkaka-appoint kay Purisima, na noo’y pumuputok pa lang ang balita na ito ang uupo bilang DoF secretary, sinagot ni Monsod ang nagtatanong na reporter ng pangiting asong: “Ha, ano kamo? Pleeeease, ‘wag n’yo akong bigyan ng sakit ng ulo.”

Kung sa ngayon nga lang na hindi taga-BIR ang mga nangangasiwa sa RIPS at wala itong nakakasuhang mga korap na matataas na opisyal ng BIR, ano pa kaya kung mga taga-BIR na ang magpapatakbo nito?

Noong nakaraang taon, nila-lifestyle check ni Oscar Moratin ang chief ng National Investigation Division (NID) na si Roberto A. Baquiran dahil sa report na marami itong mga tagong yaman. Ngunit walang napuntahan ang imbestigasyon dahil naareglo diumano si Moratin. Si Moratin, bago napunta sa RIPS ay dating taga-BIR umano, ayon pa sa isang source.

Kapag natuloy ang balitang mga taga-BIR ang mangangasiwa sa RIPO, ang BIR ang magiging super corrupt agency ng republika. Tulad ng aking suhestiyon sa aking nakaraang kolum, bakit hindi na lang magbuo ng isang independent body na tulad ng Independent Commission Against Corruption (ICAC) ng Hongkong na siyang mag-iimbestiga ng mga korap na taga-BIR at iba pang ahensiyang attached sa DoF?

Shooting Range
Raffy Tulfo

loading...

Leave a Reply

Your email address will not be published.