Shooting Range ni Raffy Tulfo: Ang Under de Saya na Pulis Patola

SI P02 GILBERT Trinidad ng PCP 7 ng Parañaque City ay isang sertipikadong pulis patola. Inamin ni Trinidad mismo sa inyong SHOOTING RANGE sa pamamagitan ng WANTED SA RADYO noong July 28, 2010, na minsan na siyang nagpaputok ng baril sa likod ng kanyang bahay pagkatapos nilang mag-away na mag-asawa.

Wala akong nakikitang problema kung si Trinidad ay isang under de saya dahil ang mga under de saya na katulad niya ay hindi kayang manakit ng kanyang asawa dahil malaki ang takot niya rito. Ang siste, sa kaso ni Trinidad, kapag inaaway siya ng kanyang asawa, nag-aala-Rambo ang gago at mistulang naghuhurumentado.

Ayon sa sumbong ng mga kapitbahay ni Trinidad sa Regency Veraville Subdivision sa Brgy. Manuyo, Las Piñas City, sa tuwing nalalasing si Trinidad, nagpapaputok ito ng kanyang baril. Ang pakiwari ng inyong SHOOTING RANGE, kapag sinasaniban na ng espiritu ng alak ang utak ng pulis na ito, naaalala niya ang mga ginagawang pangboboldyak sa kanya ni misis, kaya ibinubuga niya ang kanyang sama ng loob dito sa pamamagitan ng pagpapaputok ng baril.

Tulad ng nasabi ko na kanina, okay lang kung palaging inaaway si Trinidad ng kanyang asawa, o ginagawa siyang punching bag, at palagi siyang nagpaparaya rito sa tuwina. Pero ang siste, ibinubuga niya ang sama ng loob sa kanyang misis sa mga kapitbahay at sila ang kanyang ginagantihan.

Noong July 25, bandang 8:30 ng gabi, nakikipag-inuman si Trinidad sa dalawa niyang kasamahang pulis sa kanyang bakuran. Nang malasing na, tumayo ito at pinaputok ang kanyang baril. Nabulabog ang kanyang kapitbahay na si Angelo Villalobos at ang pamilya nito. Labis na ikinababahala ni Angelo ang kaligtasan ng kanyang dalawang paslit na anak.

Makalipas ang ilang minuto, nang muling magpaputok ng baril si Trinidad, umalis si Angelo sakay ng kanyang kotse patungo sa bahay ng presidente ng kanilang homeowners association upang magsumbong.

Pagbalik ni Angelo, tila natunugan ni Trinidad na nagsumbong ang kanyang kapitbahay, kaya siya at ang dalawa niyang kainuman ay halinhinang pinagsusuntok ito.

Nakapanayam ng WSR si Andres V. Cruz, ang presidente ng homeowners association at sinabi niyang ilang beses na siyang nakatanggap ng reklamo mula sa mga kapitbahay ni Trinidad tungkol sa pagpapaputok nito ng baril sa tuwing nalalasing.

Nakapanayam din ng WSR si Trinidad. Iba naman ang bersyon ng pulpol na ito sa insidente. Ayon sa kanya, noong gabi ng July 25, pinasok daw ni Angelo ang kanyang bakuran at pinuntahan ang kanyang grupong nananahimik na nag-iinuman at basta na lamang siyang pinagsusuntok. Dahil dito, gumanti lang daw siya ng suntok at kinuyog na raw si Angelo ng kanyang mga kainuman.

Ayon pa kay Trinidad, hindi raw siya ang nagpaputok ng gabing iyon kundi ang kanyang kainumang sibilyan. Isang beses lang daw siyang nagpaputok ng baril sa likod ng kanyang bahay at iyon ay nang mag-away raw sila ni misis. At matagal na raw iyon, dagdag pa ng hinayupak na ito.

Shooting Range
Raffy Tulfo

loading...

One thought on “Shooting Range ni Raffy Tulfo: Ang Under de Saya na Pulis Patola

  1. Ganon lang, pagkatapos ano na nagnyari? Pinabayaan na lang para maulit pang muli? Dapat imbestigahan ng mga pulis, himukin mga kapitbahay na magsampa ng kaso. not only reporting.

Leave a Reply

Your email address will not be published.