Shooting Range ni Raffy Tulfo: Ang text message ni DILG Sec. Jess Robredo

SA KALAGITNAAN NG programang WANTED SA RADYO noong Miyerkules, July 21, 2010, isang mapagkakatiwalaang source sa Camp Crame ang nag-text sa inyong SHOOTER. Ayon sa texter, papogi lang daw ang ginawang pahayag ni DILG Secretary Jess Robredo sa media kamakailan na nagdedeklara siya ng all-out war against jueteng.

Ayon pa sa texter, isang Larry Abner ang nangongolekta ng tong sa Metro Manila mula sa mga jueteng lord at isang Ely Fontanilla naman daw ang kumokolekta ng tong sa lahat ng pasugalan sa buong bansa at ginagamit ang pangalan ni Robredo.

Agad namang ipinarating ng inyong SHOOTER ang impormasyon kay Felis Regis, ang Public Information Office chief ng DILG.

Pagkaraan ng isa’t kalahating oras, nakatanggap ng text message ang inyong SHOOTER mula kay Robredo. Narito ang buod ng kanyang text: “Good pm Mr. Raffy. This is Jess Robredo. Ofis called me up re jueteng pay off. Am denying allegation. Dont know anyone or even heard of the names mentioned. Hope u can provide me details. Thanks.”

Pagkatapos kong mabasa ang text ni Robredo, agad kong binalikan ang aking source para sa karagdagang impormasyon. Ayon pa rin sa source, sina SPO3 Arnold Tuazon, PO3 Larry Abner at isang Police Chief Inspector Togunon ang nangongolekta umano ng tong sa lahat ng mga pasugalan sa buong bansa at ang kanilang mga koleksiyon ay iniintrega naman daw nila umano sa isang Ely Fontanilla. Si Fontanilla ay isang pulis at nagpapakilala umano na bata ni PNP Chief Jesus Versoza simula ng kapanahunan pa ni Versoza sa CIDG, dagdag pa ng source.

Sinabi rin ng source, ang nagbigay ng pahintulot umano kay Fontanilla para mangolekta ng tong sa lahat ng mga iligal na pasugalan ay si Rico Escalante Puno, ang Usec. ng DILG for Public Safety & Peace and Order.

Mabilis ko namang itinext ang mga karagdagang impormasyong ito kay Robredo. Sumagot naman si Robredo sa text at humingi siya ng pahintulot kung maaari ba raw niyang maipakita kay Usec. Puno ang aking text. Sinagot ko siya ng OK.

Matatandaan na noong July 2, naisulat sa espasyong ito ang pangalan ni Puno dahil sa impormasyong natanggap ng inyong SHOOTER mula sa mga taga-Directorate for Operations ng Camp Crame na nagsabing pinulong umano ni Puno ang ilang matataas na opisyal ng PNP sa kanilang tanggapan noong June 22 para ihayag sa kanila na siya ang magiging Usec. ng DILG para sa Public Safety & Peace and Order, at ang kanyang plano para sa kapulisan. Binanggit din umano ni Puno sa nasabing pagpupulong ang gagawin niyang mga pagbabalasa sa PNP sa mga susunod na linggo.

At noong July 5, nagpalabas ng press release ang DILG at ipinapakilala si Puno sa PNP Press Corps na ito na nga ang bagong hirang na Usec. ng DILG.

Shooting Range
Raffy Tulfo

loading...

Leave a Reply

Your email address will not be published.