Shooting Range: Nagpapakilalang asawa ng isang Governor, nang-estafa

ISANG DATING BEAUTY queen ng Isulan, Sultan Kudarat at nagpapakilalang isa siya umano sa mga asawa ni Maguindanao Governor Toto Mangudadatu ang nag-issue ng tsekeng talbog na nagkakahalaga ng P184 thousand. Ang tseke ay tumalbog dahil closed na ang account nito sa banko.

Ayon sa sumbong ni Wanda Tulfo-Teo, may-ari ng Mt. Apo Travel sa Davao City at kapatid ng inyong SHOOTING RANGE, nag-issue ng tseke noong April 7, 2010 ang dating Miss Isulan na si Ms. Lea C. Sagan para sa mga plane ticket ng mga kliyente niyang guro na bibiyaheng papuntang Singapore at Kuala Lumpur.

Ang ibinigay na tseke ni Ms. Sagan sa Mt. Apo Travel na galing sa RCBC Isulan Branch ay nagkakahalaga ng P184 thousand at may check no. 0111097.

Matagal nang kakilala ng Mt. Apo Travel si Ms. Sagan. Bukod dito, ang pagkakakilala sa kanya ng mge empleyado ng nasabing travel agency ay isa siya umano sa mga asawa ni dating Mayor at ngayon ay Governor Mangudadatu. Kaya ganoon na lamang ang tiwala sa kanya.

Maayos ang mga dating transaksiyon ni Ms. Sagan sa Mt. Apo Travel kaya nagulat na lamang ang mga kawani ng nasabing travel agency nang tumalbog ang tseke ng kanilang dating good client na si Ms. Sagan.

Makailang beses tumawag at nagpadala ng demand letter ang Mt. Apo Travel kay Ms. Sagan ngunit sa tuwina, palagi itong umiiwas at binabale-wala ang mga sulat sa kanya. Nang magsawa na ang mga taga Mt. Apo Travel sa kakahabol sa kanya, dumulog na sila sa inyong SHOOTING RANGE.

Noong June 25, 2010, Biyernes, nakausap ni Odette Molina, isa sa mga staff ng inyong SHOOTING RANGE sa WANTED SA RADYO, si mismong Gov. Toto Mangudadatu. Sinabi ni Odette ang tungkol sa sumbong ng kapatid ng inyong SHOOTING RANGE.

Hindi na nagpaliguy-ligoy pa ang gobernador at agad niyang inaming kakilala niya si Ms. Lea Sagan na tinawag niya sa palayaw na Bing at nangakong siya na ang babayad sa kumpromiso nito.

Ipinangako ni Gov. Mangudadatu kay Odette na mababayaran ang P184 thousand pagkalipas ng isang linggo. Ngunit noong July 12, tumawag si Wanda sa inyong SHOOTING RANGE para sabihing P50 thousand lamang ang ibinayad ni Sagan.

Nang araw ding iyon, muling tinawagan ni Odette si Mangudadatu. Sinabi ng gobernador na P120 thousand ang ibinigay niya kay Sagan. Sa katunayan, hinihingian niya ito ng resibo bilang patunay na naibayad nga nito ang nasabing halaga sa Mt. Apo Travel, ngunit walang maipakita si Sagan dahil wala naman itong ibinayad na ganoong halaga sa Mt. Apo Travel.

Para sa inyong SHOOTING RANGE, maayos na kausap si Gov. Mangudadatu at may isang salita ang taong ito. Ang problema ay kay Ms. Sagan na kapag ipinagpatuloy niya ang ganitong klaseng gawain, siya ang gigiba sa magandang pangalan ng butihing gobernador ng Maguindanao.

Shooting Range
Raffy Tulfo

loading...

Leave a Reply

Your email address will not be published.