Shooting Range: Nagka-saltik dahil sa kalasingan sa kapangyarihan

Ang motto ng PNP ay “to serve and protect”, na ang ibig sabihin ay dapat nilang pagsilbihan at proteksiyunan ang sambayanan.

Pero kung ang pagbabatayan ay ang walang patid na sumbong na natatanggap ng WANTED SA RADYO araw-araw laban sa kapulisan, dapat siguro ang motto na ito ay mapalitan ng “to abuse and incarcerate”, na ang ibig sabihin ay mang-abuso at magpakulong ng mga walang kalaban-labang inosenteng mamamayan. Ito na kasi ang nagiging talamak na gawain ng ating mga pulis.

Isang nababagay na halimbawa sa motto na ito ay si PO2 Rene Eufracio. Ngunit sa talaan ng WSR, hindi na mabilang ang mga katulad ni Eufracio sa PNP.

Noong May 11, 2010, bandang 11pm, habang nakikipag-usap ang estudyanteng si Redentor Lipata Jr. sa kanyang tatlong kaibigang mga babae sa tabing kalsada, kinursunada siya ng lasing na si PO2 Eufracio.

Tinapik ng pulis ang estudyante na siyang ikinagulat naman ng huli. Humantong iyon sa mainit na diskusyon hanggang sa pagbubugbugin at kaladkarin ni Eufracio si Redentor. Mapalad namang nakapiglas si Redentor at tumakbo ito hanggang sa makasalubong niya ang isa niyang kaibigan.

Dinala siya ng nasabing kaibigan sa Barangay Hall para magpa-blotter. Sa kalagitnaan ng pagbibigay ng salaysay ng bugbog saradong si Redentor sa barangay desk officer na si Ben Maray, biglang dumating si Eufracio at pilit na pinoposasan si Redentor.

Sinabi ng noo’y hindi naka-unipormeng lasing na Eufracio kay Maray na suspek niya si Redentor at inaaresto niya ito. Habang pumapalag si Redentor, pinagsusuntok pa rin ito ng pulis sa harap mismo ng barangay desk officer.

Nang maposasan na, dinala si Redentor ni Eufracio sa presinto at inutusan niya ang duty officer na si PO3 Richard Barien na ikulong ito. Kinabukasan, dinala ng mga pulis si Redentor sa korte at iniharap kay Fiscal Manuel Ray Corpuz para sa isang inquest proceeding. Bakas pa ang mga bukol at pasa sa mukha ni Redentor at sa iba’t ibang parte pa ng kanyang katawan nang siya’y humarap kay Corpuz.

Kasong attempted homicide ang ikinaso kay Redentor ni Eufracio. Pinaniwalaan ng tamad at pulpol na piskal ang mga alegasyon ng barumbadong pulis at tinuluyan niya ito.

Nang makausap ko si Eufracio, lasing pa rin ito – sa kapangyarihan. Sinabi ng may saltik na ito na may karapatan daw siyang arestuhin si Redentor at ipakulong kahit na wala siyang hawak na warrant of arrest sapagkat siya raw ay isang pulis.

Sa tulong ng WSR nakapag-sampa na ng administrative and criminal case si Redentor laban kay Eufracio matapos itong makapag-piyansa. Ang kasong kinahaharap ni Eufracio ay grave misconduct and physical injuries.

Ang mga pulis na tulad ni Eufracio ay nagka-saltik dahil sa sobrang kalasingan sa kapangyarihan. Inakala kasi ng mga may sayad na ito na walang limitasyon sa kapangyarihan ang tsapang hawak nila.

Shooting Range
Raffy Tulfo

loading...

Leave a Reply

Your email address will not be published.