Shooting Range: Mga gagong kawatan sa DepEd at sira-ulong mga principal at guro

MARAMING KLASE NG mga kawatan sa iba’t ibang departamento ng ating pamahalaan, pero ang pinakagago na siguro sa mga magnanakaw na ito ay ang mga taga-Department of Education.

At marami ring klaseng kotongerong empleyado sa ating gobyerno, pero ang pinakasira-ulo na siguro sa mga ekstorsyonistang ito ay ang ilang mga principal at guro sa public elementary at high school.

May kasabihan tayo na “ang matandang pumapatol sa bata ay masahol pa sa batang-isip” at may kasabihan din ang inyong SHOOTING RANGE na “ang isang gurang na nakikipag-away sa paslit ay hindi lang masahol pa sa batang-isip kundi wala na siyang isip” – ibig sabihin, siya ay may sira na sa ulo.

Kung pagbabasehan ang mga sumbong na idinudulog sa WANTED SA RADYO laban sa mga principal at guro sa public schools, lumilitaw na marami sa kanila ay mga sira-ulong kotongero. Anong tawag n’yo sa principal na pilit na pinagbabayad ang mga musmos niyang estudyante para sa paggamit ng CR ng eskuwelahan at ang walang pambayad ay inuutusang magbaon ng arinola para roon na lang daw umihi?

Anong tawag n’yo sa isang guro na pinapahiya ang kanyang grade 1 pupil sa harap ng kanyang mga kaklase dahil wala siyang baon na pambili ng merienda na itinitinda ng canteen, at parang hindi pa sapat ang pang-iinsulto, ang paslit ay pinarurusahan pa at pinatatayo sa sulok hanggang sa matapos ang klase?

Anong puwedeng maitawag n’yo sa isang guro na hinahalughog ang bag at binabaligtad ang bulsa ng kanyang pupil para maghanap ng perang pambayad sa school contribution, at kapag walang pera ang pupil pagmumurahin niya ito at pagpupulutin ng mga basura sa school grounds?

Ang madalas na naisusumbong na hinihinging yearly “voluntary contributions” kuno sa mga public schools na sobrang garapal at halatang-halata na isang pangongotong ay para pang-sweldo sa janitor, seurity guard at tanod; pambayad para sa kuryente, tubig at CR; perang pambili para sa electric fan, plywood, floor tiles, floor wax, paso, chalkbox, bombilya at abono para sa mga halaman ng eskuwelahan at napakarami pang iba.

At bakit natututong mangotong ang mga principal at guro? Kinukurakot kasi ng mga opisyales ng DepEd ang budget para sa kanilang mga eskuwelahan. Ang pondo halimbawa para pambayad sa bills ng isang eskuwelahan ay ibinubulsa ang malaking porsiyento nito sa main office pa lang ng DepEd at ang konting natitira ay tinatapyasan naman ng mga opisyales ng DepEd sa district office kaya wala na halos nakararating sa mismong eskuwelahan.

Ang resulta, napipilitang magremedyo ang mga principal at guro, at sa mga pobreng estudyante nila sila kumukuha ng pangremedyo. At siyempre, ‘di sila papayag na ‘di kikita kaya iba’t ibang klaseng panggigipit ang ginagawa nila sa kanilang mga estudyante upang tumubo pa.

Shooting Range
Raffy Tulfo

loading...

Leave a Reply

Your email address will not be published.