Shooting Range: Mapang-api na nga, magnanakaw pa!

KAMAKAILAN, IPINAGBUBUNYI NG mga alipores ni Pangulong Arroyo ang umano’y paglakas ng ekonomiya ng bansa sa first quarter ng taong ito dahil sa pag-akyat sa 7.6% ng ating Gross Domestic Product (GDP) mula 0.5% noong nakaraang taon.

Pero ang malaking tanong, nararamdaman ba ito ni Juan Dela Cruz? Nakasisiguro ang inyong SHOOTING RANGE na walang epekto ito kay Mang Juan.

Ngunit ako’y naniniwala na ang makatitikim sa biyayang sinasabi ng mga kampon ng Malacañang na pagsigla ng ating ekonomiya sa mga unang buwan ng taong ito ay ang manikurista ni Gloria na ginawa niyang isa sa mga Board of Trustees ng Pag-IBIG Fund noong nakaraang buwan. Kasama na rin dito ang kanyang hardinero na ginawa naman niyang Deputy Administrator ng Luneta Park. Ang dalawang ito ay parehong makatatanggap ng mahigit isandaang libong pisong suweldo kada buwan kasama na ang bonus at iba pang perks.

Kung totoo mang sumigla ang ating ekonomiya pagpasok ng 2010, ang nagpapakasasa rito ngayon ay ang mayayaman na siyang lalong yayaman at ang mahihirap ay hindi ito mararamdaman, bagkus, lalo silang masasadlak sa kahirapan.

Pagpasok ng Enero ng taong ito, hindi na napatid ang pagdagsa ng mga manggagawa sa Action Center ng WANTED SA RADYO. Karamihan sa kanilang mga reklamo ay ang sobrang baba ng suweldo at hindi kayang pagkasyahin sa pangangailang ng kanilang pamilya.

Noong Lunes, May 31, halimbawa, 29 na mga saleslady ng NOVO Jeans & Shirts ang dumulog sa WSR para ireklamo ang napakaliit na sahod na tinatanggap nila – malayo sa minimum wage na itinalaga ng Department of Labor and Employment (DOLE).

Ang NOVO Jeans & Shirts ay isang multi-national company na may 148 outlets sa buong bansa. Ayon sa mga nagsusumbong, dalawa sa kanila ay mga supervisors, wala pa sa 200 pesos ang sinasahod ng karamihan sa kanila kada araw at dose oras silang pinagtatatrabaho bawat araw. Ang mga supervisors naman ay kapus pa sa 382 pesos (minimum wage) ang tinatanggap kada araw at hindi rin binabayaran ang overtime.

Pero ang pinakamatindi rito, hindi na nga tama ang pasuweldo ng nasabing kumpanya sa kanilang mga empleyado, ninanakawan pa nila ang mga ito. Binabawasan ang mga empleyado ng 50 pesos kada linggo sa kanilang paycheck para raw sa Health Certificate nila mula sa City Hall, samantalang, wala namang doktor o kahit man lang health officer ang tumitingin sa kanila.

Kapag may mga depektibong mga produkto na dumating sa kanilang mga tindahan na galing China, ang mga empleyado ang pinagbabayad para mapalitan ang mga ito. Ganu’n din sa mga kaliit-liitang mga gamit na nawawala.

Ngunit, hindi lamang ang mga empleyado nila ang ninanakawan ng kumpanyang ito, kundi maging ang kaban ng bayan. Nagpakita ng mga dokumento ang mga nagrereklamong empleyado ng patunay na matagal nang nandaraya sa BIR ang NOVO Jeans & Shirts.

Sa kasalukuyan, iniimbestigahan na ng DOLE at BIR ang NOVO.

Shooting Range
Raffy Tulfo

loading...

Leave a Reply

Your email address will not be published.