Shooting Range: Cebu Pacific, rated VG

KAPAG TAYO AY bumili sa merkado ng isang bagay o serbisyo na mura, kadalasan, maaasahan natin na ang kalidad ng bagay o serbisyong iyon ay isinakripisyo.

Ang inyong SHOOTING RANGE ay isang loyal Philippine Airlines (PAL) frequent flyer lalo na kung biyaheng abroad ang pag-uusapan. At wala akong maipipintas sa PAL.

Noong June 12, 2010, Sabado, sumakay ng 5:15 pm Cebu Pacific flight papuntang Bacolod ang grupo ng inyong SHOOTING RANGE. Minarapat ng aming grupo na subukan ang Cebu Pacific dahil malaki ang matitipid namin – lalo pa’t eleven kami – sapagkat halos kalahati lamang ang pasahe sa Cebu Pacific kumpara sa PAL.

Papunta pa lamang ng NAIA 3, medyo nag-aalinlangan na ang aking mga pihikang anak na baka hindi magiging maganda ang kanilang karanasan. Ngunit pagdating ng airport, sa check-in counter pa lang, nagbago ang lahat dahil kapansin-pansin ang mga palangiti, masisigla at maaasikasong ground crew.

Nang kami ay makasakay na, habang hinihintay ng aming piloto ang go-signal mula sa control tower para sa aming take-off, isang sanggol na malapit lang sa aking kinauupuan ang halatang takot na takot at nag-iiiyak. ‘Di siya mapatigil ng kanyang ina na hindi rin malaman kung anong gagawin.

Pagkatapos ng take-off at tinanggal na ang “Fasten your seatbelt” sign, ‘di pa rin tumigil sa kahihiyaw ang nasabing sanggol. At ‘di rin ako makatulog bagamat ako’y antok na antok dahil sa iyak ng kaawa-awang sanggol.

Buti na lang at pinuntahan ng flight stewardess ang sanggol at inamu-amo niya ito at nilaru-laro hanggang sa ito’y tuluyang tumigil at ako’y nakaidlip na rin.

Pagkaraan ng ilang minuto, nagising ako. Napansin ko ang isang paslit na kalalabas lamang ng lavatory, kasama ang kanyang ama, na naalis ang pagkatali ng sintas ng kanyang sapatos. Nakita ng ama ang sapatos ng kanyang anak ngunit hindi niya ito pinansin.

Nang makita ng stewardess ang sapatos ng paslit, inayos niya ang sintas nito. Nagulat ang misis ko at sinabi niyang “Ganoon ba talaga ang mga stewardess ng Cebu Pacific, parang mga katulong?” Ang ibig niya palang sabihin, bakit sobra sa pag-aasikaso ang mga stewardess sa mga pasahero? Hindi niya kasi nakikita ang ganitong klaseng extra na paninilbihan sa ibang airlines.

Kinuha namin ang 5:40 pm flight galing Bacolod pagbalik namin ng Maynila noong June 14, Lunes. Child-friendly din ang crew ng nasabing flight. Kapansin-pansin ang ginagawa nilang pakikipagkaibigan sa mga batang pasahero.

Palangiti at maasikaso ang mga stewardess ng nasabing flight hindi lamang sa mga paslit kundi maging sa lahat ng pasahero. Kaya kung ang inyong SHOOTING RANGE ang tatanungin, rated Very Good ang Cebu Pacific dahil bukod sa mura na ang pasahe, de-kalidad pa ang serbisyo.

For the record, binayaran ng inyong SHOOTING RANGE ang kanyang pasahe ng full fare at maging ng kanyang mga kasamahan kaya hindi puwedeng sabihin na ito ay isang public relations write-up lamang.

Shooting Range
Raffy Tulfo

loading...

Leave a Reply

Your email address will not be published.