Shooting Range: Ang mapalad na Manikurista at ang malas na Colonel

MAPALAD ANG MANIKURISTA ni Pangulong Gloria at bago siya bumaba sa puwesto makakatikim ang empleyado niyang ito ng limpak-limpak na pera mula sa matatanggap na suweldo galing sa Pag-IBIG kung saan hinirang siya bilang isa sa mga board of directors.

Malas naman itong mga empleyado ng Civil Aviation Authority of the Philippines (CAAP) at bago bumaba si Pangulong Gloria ay makakatikim ng gutom ang kanilang mga pamilya.

Magtatatlong buwan na kasing iniipit ng CAAP ang mga suweldo ng mga kawani nito sa Intelligence Division. Makailang beses na ring nakausap ng SHOOTING RANGE ang hepe ng CAAP na si Director General Alfonso Cusi ngunit halatang nagpapalusot ito at ayaw lang talaga niyang ibigay ang suweldo ng kanyang mga tao.

Isa sa mga nagreklamo sa inyong SHOOTING RANGE ay ang mismong chief ng Intelligence ng CAAP na si Col. Virgilio Briones. Personal na dumulog si Briones sa WANTED SA RADYO kasama ang isa niyang tauhan para isumbong ang hindi pagpapasuweldo sa kanila ni Cusi simula pa noong February 16, 2010.

Nang unang makausap ko si Cusi tungkol sa sumbong na ito hiniling niyang papuntahin sa kanyang tanggapan si Briones at lahat ng tauhan nito sa Intelligence para pag-usapan ang tungkol sa release ng kanilang suweldo.

Ngunit walang nangyari sa paghaharap sa pagitan ni Cusi at ng grupo ni Briones dahil sadyang pinaikut-ikot sila at kung anu-anong klaseng mga dokumento ang hinihingi. Ang masaklap pa, kinandado ng tanggapan ni Cusi ang access para sa mga nagrereklamong empleyado sa kani-kanilang mga opisina.

Nanggigigil sa galit ang mga kasamahan ni Briones na karamihan ay mga retired military and police officers. Aantayin na lang daw nila ang pagbaba sa puwesto ni Pangulong Gloria na alam nila, kasunod noon ay ang pagbaba na rin sa puwesto ni Cusi.

Ang tanong, kapag wala na sa puwesto si Cusi, ano kaya ang gagawin ng mga dating pulis at militar na ito kay Cusi na talaga namang naagrabyado?

Makailang beses ding itinawag ng SHOOTING RANGE ang sumbong na ito sa DOTC maging sa Malakanyang para iparating ang hinaing ng mga taga-CAAP ngunit sadyang nagbibingi-bingihan ang mga kinauukulan dito. Napag-alaman ng SHOOTING RANGE na bata-sarado pala ni First Gentleman Mike Arroyo si Cusi kung kaya’t tamad kumilos ang mga kinauukulan sa problemang ito.

ANO BA ANG problema nitong tatlong naging kulelat na tumakbo sa pagka-Presidente nitong nakaraang halalan – sina JC Delos Reyes, Nicanor Perlas at Jamby Madrigal?

Kung sina Senator Manny Villar, Secretary Gibo Teodoro at Senator Dick Gordon nga na umabot ng milyones ang mga boto ay tinanggap na ang pagkatalo, bakit itong tatlong kulelat ay nangungulit at gustong kuwestyunin ang kanilang kakarampot na mga boto?

Bobo ba ang tatlong ito? Alam naman nila na nilalangaw at halos walang mga taong pumapansin sa kanila noong sila ay nangangampanya. Hindi ba nila ma-gets?

Shooting Range
Raffy Tulfo

loading...

Leave a Reply

Your email address will not be published.