Shooting Range: Ang mag-among gago

KUNG MINSAN, HINDI makatarungang ibuntong ang lahat ng sisi sa mga pulis ang kanilang pagiging tiwali.

Marami sa kanila ang dati’y matino noong pumasok sa serbisyo pero nang makita na talamak ang mga amo nilang gago ay nagiging gago na rin, at ang masaklap pa, mas masahol pa sila ngayon sa kanilang mga gagong amo. Si PO2 Romy Habig ay maaaring isang magandang ehemplo rito.

Noong April 26, 2010, bandang 6 P.M., naglalaro ng basketball si Emmanuel Simoy Jr., 17 years old, sa basketball court ng Barangay Tunsuya, Letre, Malabon nang bigla siyang arestuhin ni PO2 Habig.

Sinabi ng pulis sa menor de edad na binatilyo na siya ay inaaresto dahil sa paglabag sa city ordinance na ipinagbabawal ang mga kalalakihang walang suot na pang-taas na damit sa kalye.

Pero pagdating ng presinto saka pa lamang nalaman ni Emmanuel na siya ang itinuturong suspek sa pagpatay sa isang Jing Bordado, kilalang notorious na holdaper sa kanilang lugar, anim na araw na ang nakararaan. Nakita niya sa presinto ang ilang mga nagpakilalang kamag-anak ni Bordado.

Kinabukasan, nakatakda nang iharap ni Habig si Emmanuel sa piskalya para sa isang inquest proceeding sa kasong paglabag sa city ordinance at isinama na rin ang kasong murder – isang non-bailable crime.

Pero sa tulong ng WANTED SA RADYO, hindi natuloy ang pag-inquest kay Emmanuel, pinakawalan siya at ini-refer na lang ang kanyang kaso sa DSWD.

Unang-una, halatang ginamit ni Habig ang city ordinance para may pagbasehan siya sa pagdakip kay Emmanuel. Hindi na kasi puwedeng gamiting dahilang suspek si Emmanuel sa pagpaslang sa holdaper na si Bordado kaya siya inaaresto ng mga oras na iyon, sapagkat anim na araw na ang lumipas nang mapatay si Bordado at lampas na sa reglamentary period.

Pangalawa, mariing itinatanggi ni Emmanuel na may kinalaman siya sa pagkamatay ni Bordado na ayon sa mga report ay lumalabas na sinalvage umano.

At pangatlo, sa aking pakiwari, dahil sa naging kahina-hinalang aksiyon ni Habig, lumilitaw na animo’y asset si Bordado ng mga pulis at siya ay pinakikinabangan nila.

Kinapanayam ko ang amo ni Habig na si Col. Roberto Villanueva, ang Chief of Police ng Malabon. Todo-todo ang pagkampi ni Villanueva sa ginawa ni Habig kahit pa sa kabila ng pag-amin ng isa niyang tauhan sa Women’s and Children’s Desk na si PO3 Benita Terte na mali ang pagka-aresto kay Emmanuel. Humantong pa sa maanghang na diskusyon ang aming pag-uusap ni Villanueva dahil sa labis niyang pagtatanggol kay Habig.

Ngunit binuweltahan ko si Villanueva at ipinaalala ko sa kanya na minsan ko na siyang naisumbong kay Gen. Sammy Pagdilao, ang Hepe ng CAMANAVA, sa reklamong pangha-hijack umano ng kanyang grupo ng container van na puno ng paninda at tangkang pangingikil sa may-ari nito.

Shooting Range
Raffy Tulfo

loading...

Leave a Reply

Your email address will not be published.