Shooting Range: Ang hulang nagkatotoo

Noong nakaraang linggo, hinulaan ng inyong SHOOTING RANGE sa kanyang programang WANTED SA RADYO na itatalaga ni Pangulong Noynoy ang isang Rico Puno bilang Usec. on Public Safety and Peace & Order ng DILG. Ayon sa Camp Crame source ng inyong SHOOTING RANGE, si Puno ay isa umanong arms dealer.

At noong Lunes, July 5, 2010, sa kasagsagan ng ginagawang interview ng inyong SHOOTING RANGE kay Atty. Edwin Lacierda, spokesperson ni P-Noy, hinggil sa mga sensitibong posisyon sa PNP, partikular na ang NCRPO Chief na bakante pa rin, nag-text ang kaibigan naming si Raymond Africa, Camp Crame correspondent ng pahayagang Malaya at sinabing kapapalabas lamang ng press release ng DILG nang araw ding iyon. Sa nasabing press release, binabanggit daw ang pangalan ng isang Rico Escalante Puno na itinatalagang Usec. para sa posisyon ng Public Safety & Peace and Order.

Napag-alaman ng inyong SHOOTING RANGE noong isang linggo pa lamang na si Puno ang maa-appoint bilang Usec. ng DILG dahil sa isang impormasyon na ibinato ng isang highly reliable source sa Camp Crame.

Sinabi pa ng nasabing source na noong June 22, 2010, pinulong umano ni Puno ang ilang mga heneral sa tanggapan ng Directorate for Operations sa Camp Crame para ibunyag umano sa kanila ang kanyang mga magiging plano sa PNP, kasama na rito ang kanyang pagtatalaga ng mga napili niyang opisyal para sa mga sensitibong posisyon sa PNP.

Hinulaan din ng inyong SHOOTING RANGE noong nakaraang linggo na si Gen. Leocadio Santiago Jr. ang gagawing NCRPO Chief ni P-Noy. Ito ay ayon na rin sa kagustuhan ni Puno – na nauna na niyang ibinunyag sa kanyang pakikipagpulong sa mga heneral sa Camp Crame noong June 22 – ayon pa rin sa nasabing source.

Sa mga oras na isinusulat ang artikulong ito, July 5, 2010, putok na putok na ang balita mula sa tanggapan ni PNP Chief Gen. Jesus Versoza na si Santiago ang ipapaupong NCRPO Chief at si Puno ang magsasagawa ng announcement anumang oras.

Kinukuwestiyon ng ilang mga opisyal ng Camp Crame ang pagtatalaga kay Santiago bilang NCRPO Chief gayong isa raw itong die-hard Ronnie Puno boy. Si Ronnie Puno, dating DILG Secretary ng katatapos na administrasyon, ay kilalang very loyal na kasangga ni dating Pangulong Gloria Arroyo.

Tapos na raw ang panahon ni Arroyo bakit kinailangang pang mamayagpag muli ang mga alipores nito? Tanong pa ng isang opisyal sa Directorate for Operations na ayaw magpabanggit ng pangalan.

Sino nga ba si Rico Escalante Puno? May mga nagsasabing siya ay mahabang panahon ng kakilala umano ni P-Noy simula pa noong si P-Noy ay isa pang kongresista. May mga nagsasabi rin na si Puno ay isa umanong arms dealer at nakilala ito ni P-Noy dahil mahilig si P-Noy sa baril. At may mga nagsasabi ring si Rico Puno ay malayong kamag-anak umano ni Ronnie Puno at planted itong si Rico ng administrasyong Arroyo sa administrasyong Aquino.

Shooting Range
Raffy Tulfo

loading...

Leave a Reply

Your email address will not be published.