Shaina Magdayao at John Lloyd Cruz, huling madalas mag-date!

ALMOST ONE WEEK na ring hindi sinisipot ni Willie Revillame ang kanyang noontime show na Wowowee. Pakiwari namin, nakikiramdam ang TV host sa magiging desisyon ng ABS-CBN management kung pagbibigyan ang kanyang kahilingang tanggalin sa trabaho si Jobert Sucaldito.

Matigas at buong yabang na sinabi ni Willie na paninindigan niya ang binitiwang salita na magre-resign siya kapag hindi tinanggal ng Dos si Jobert sa kanyang radio program at sa The Buzz. Idagdag pa natin ang sinabi niyang hindi lang ABS-CBN ang nag-iisang network sa Pilipinas na para bang naghahamon.

Ibig kayang sabihin ni Willie gusto na niyang lumipat ng ibang network kung hindi pagbibigyan ang kanyang request? Pag-aari n’ya ba o big boss ba siya ng Kapamilya network? Sa takbo ng pangyayari, wala pang aksiyon ang management tungkol sa issue, tahimik lang ang mga ito. Siguro, hinihintay lamang ng ABS ang kusang niyang pagre-resign bilang respeto sa kanya.

Ilang araw na rin ang lumipas, bakit hanggang ngayon hindi pa nagre-resign si Willie? Hinihintay kaya niyang kunin muna siya ng GMA-7 at TV5 para may yabang uli siya?

Nagpaabiso na nga raw si Willie sa Kapuso network na magpapa-interview kay Joey de Leon sa Startalk. Nagparamdam, nangangahulugan kaya na hindi siya napagbigyan? Ngayon naman,  maugong din ang bali-balita na diumano nakipag-set na raw ng meeting si Willie kay Noel Ferrer at Cristy Fermin para makausap nang personal ang big boss ng TV5 na si Manny Pangilinan.

Palagi raw ngayong maiinitin ang ulo ni Willie, palasigaw at mukhang wala sa sarili. Hindi mo na raw makausap ito nang matino dahil sa mga problemang kanyang kinakaharap. Well, epekto raw ito ng pagiging pangatlong puwesto lang ni Manny Villar sa pagka-Pangulo nitong eleksiyon. Mas maraming boto pa ang nakuha ni Joseph Estrada na pumapangalawa sa pagka-Presidente. Kasi naman, overconfident kaya bigo sa dapat niyang asahan! Masakit tanggapin ang katotohanang hindi lahat ng bagay ay mapapasaiyo. ‘Yun lang!

KAHIT PILIT NA itinatago ang tunay na relasyon nina John Lloyd Cruz at Shaina Magdayao, patuloy pa ring pinag-uusapan ang kanilang romansa. Hindi pa lang napapanahon para aminin nila ang totoong namamagitan sa kanilang dalawa.

Sa takbo ng pangyayari, malinaw sa amin ngayon na si John Lloyd ang naging dahilan para makipag-break kay Shaina si John Prats. Kahit masakit sa binata ang nangyari sa kanila ni Shaina, nanahimik ito at hindi nagsalita laban sa dalaga.

Marami ang nagpapatotoong mag-dyowa na nga sina John Lloyd at Shaina. Ilang beses na silang napagkikitang magkasama sa mga gimikan at nagdi-dinner late at night sa Shangri-La. May tsika pang kung maluwag din lang ang schedule ng dalawa, magkasamang nag-a-out of town sila sa Batangas para makaiwas sa mapanuring mata ng showbiz. Libre nga naman silang gawin ang gusto nila, mabibigyang-laya ang init na nararamdaman sa isa’t isa.

Ayon sa aming source, alam daw ni Vina Morales ang tungkol sa relasyon nina Shaina at John Lloyd. Hindi siya tutol sa pag-iibigan ng dalawa, binata si John Lloyd at mahal raw nito ang nakababata niyang kapatid. Pagdating sa pag-ibig, ayaw makialam ni Vina. Na-experience din kasi niya ang magmahal at mahalin. ‘Yun lang.

AYAW Paawat!
by Eddie Littlefield

Previous articleJohan Santos, pinagtatawanan ang ‘paglalaro sa sarili’
Next articlePokwang, pinasisibak sa Wowowee?!

No posts to display