Shabu Tiangge sa Bulacan, Sinalakay; 10 Katao, Arestado

SINALAKAY NG pinagsanib na puwersa ng Provincial Public Safety Company at Plaridel PNP ang Sitio Dike, Brgy. Banga 1st, Plaridel, Bulacan kung saan nagkukuta ang mga notorious na drug-pusher.

Sa ulat na ipinadala ni P/Supt. Amado Mendoza, Jr. at P/Supt. Ross Alvarado kay PNP Provincial Director P/Sr. Supt Joel Orduna, kinilala ang mga nadakip na suspek na sina Renelyn Reyes alyas Nelyn, 25; Jocelyn Manalap alyas Bebe, 20; Virginia Dulcen @ Binyang, 25; Arjay Viray, 27, fish vendor; Arvee Viray, 24, ng Masantol, Pampanga; Nimpa Lacson alyas Taba, 43; Jocel delos Santos, 27; Mary Ann Francia, 37, nahulihan ng cal. 22 na magnum; Danilo Borbon, 63, nahulihan ng cal. 9MM; at isang alyas Rona na menor de edad; habang pinaghahanap pa ang kasamahan nito na si Jayson Lopera na nakuhanan naman ng cal. 357 na revolver.

Base sa inisyal na imbestigasyon ni SPO1 Perez, dakong alas-8:00 ng umaga kahapon ng isagawa ang pagsalakay sa lugar sa bisa na rin ng search warrant na ipinalabas ni Branch-85 RTC Judge Maria Belen Ringpis-Liban.

Nabatid na matagal na nilang minamatyagan ang talamak na bentahan ng droga sa nabanggit na sitio, kung saan marami na rin silang tinatanggap na reklamo mula sa sa mga residente malapit sa nabangit na lugar.

Nadiskubre rin na karamihan sa mga nahuling mga suspek na drug-pusher ay pawang mga miyembro ng “Pongay Group” na sangkot sa pagtutulak ng ipinagbabawal na droga sa siyudad ng Malolos at Baliuag.

Nakumpiska mula sa mga suspek ang hindi pa mabatid na gramo ng Shabu at Shabu paraphernalia tulad ng 3 bundle ng aluminum foil at lighter, isang cal. 22 magnum,isang cal. 9MM at isang improvised revolver na 357, at mga bala.

Samantala detenido ngayon ang mga suspek sa Plaridel Municipal Jail habang inihahanda ang kaukulang kaso laban sa kanila.

(TONY DELA PEÑA)

loading...

One thought on “Shabu Tiangge sa Bulacan, Sinalakay; 10 Katao, Arestado

  1. Pingback: Shabu Tiangge sa Bulacan, Sinalakay; 10 Katao, Arestado - ShowbizNews.ph

Leave a Reply

Your email address will not be published.