Serye ng Media killings, Resolbahin – KBP

KINONDENA NG Kapisanan ng mga Brodkaster ng Pilipinas (KBP) ang naganap na pagpatay sa isang blocktime announcer sa Tagum City.

Nakilala ang nasabing biktima na si Rogelio “Tata” Butalid, 40, isa ring kagawad ng Barangay Mangkilam, Tagum City at blocktime announcer ng istasyong Radyo Natin Tagum.

Sinabi ni KBP national president Herman Z. Basbaño na kailangang kumilos kaagad ng mga kinauukulan hinggil sa naturang insidente para hindi na maidagdag si Butalid sa tambak na mga kaso ng pagpatay sa kasapi ng media na nananatiling hindi nabibigyan ng katarungan.

Dapat umanong madakip hindi lamang ang gunman kundi ang lahat ng nasa likod ng pagpatay.

Sinabi pa ni Basbaño na nababahala sila sa serye ng pagpaslang kung saan si Butalid ay ikatlo na sa mga mediaman sa loob lamang ng nakalipas na dalawang linggo.

Hanggang sa ngayon ay nangangalap pa ng karagdagang ebidensya ang Tagum Philippine National Police para sa pagkakakilanlan ng mga suspek na pumaslang kay Butalid at motibo sa krimen.

Una rito, pinatay din ang radio personality na si Michale Milo sa Tandag City sa Surigao del Sur, habang pinaslang naman ang radio blocktimer na si Joash Dignos sa Valencia City sa lalawigan ng Bukidnon.

Maaalala rin na noong Agosto 29, 2013 ay pinaslang rin ang blocktime radio commentator na si Fernando “Nanding” Solijon ng Love Radio FM sa Barangay Buruun, Iligan City.

Samantala ang Palasyo sa pamamagitan ni Communications Secretary Sonny Coloma ay ikinalungkot din ang serye ng pagpaslang sa ilang mamamahayag kasabay ng pagpapaabot ng pakikiramay sa naiwang pamilya ni Butalid.

Ayon kay Coloma, inaasahan nila na kikilos ang pulisya na resolbahin ang naturang mga krimen at gumawa ng mga karampatang mga hakbang.

Sa bilang ng New York-based Committee to Protect Journalists (CPJ) nasa 72 mga mamamahayag na ang pinaslang mula taong 1992 at hindi pa kasama rito ang huling tatlong pinatay.

(PARAZZI REPORTORIAL TEAM)

loading...

Leave a Reply

Your email address will not be published.