Senior Jail Guard; 4 Pang Tulak, Timbog sa Buy-Bust

NADAKIP NG mga operatiba ng Hermosa at Orion Police sa Bataan at ng mga tauhan ng PDEA ang notoroius na tulak ng ipinagbabawal na droga sa Olongapo City at sa lalawigan ng Pampanga.

Kinilala ni P/Chief Supt. Edgardo Ladao, PNP Region-3 Director, ang  suspek na si Senior Jail Officer 2 Felix Tubil Y Adalim, 42 anyos, residente ng Brgy. San Nicolas, Florida Blanca, Pampanga.

Base sa inisyal na imbestigasyon ng mga pulis, dakong alas-9:50 ng gabi nang madakip ang suspek sa inilatag na buy-bust operation sa harap ng Basa Air Base, kung saan nakumpiska mula sa suspek ang isang gramo ng Shabu at mga baril at bala.

Si Tubil ay nakatalaga sa BJMP ng Dinalupihan, Bataan. Nakuha mula sa kanya ang isang cal. 45, isang cal. 9MM at iba’t ibang uri ng mga bala ng baril.

Nabatid na lulan ng Toyota Innova na may plakang RMG-792 ang suspek nang masukol ito ng mga pulis.

Samantala, apat pang mga drug-pusher ang nadakip ng mga tauhan ng PDEA-3 at PNP. Ang mga nadakip ay sina Melchor Ocampo Y Mendoza alyas Ong, 37 anyos, ng Sitio Aquino Brgy. Panilao, Pilar, Bataan; Rogelio Tayag Y Cabrera, 42 anyos, ng Brgy. San Roque, Lubao, Pampanga na nadakip naman sa buy-bust operation sa Brgy. Balsik, Hermosa, Bataan.

Habang arestado rin sina Meriella Lingat Y Ocampo, 20 anyos, dalaga ng Purok-4, Brgy. San Pedro, City of San Fernando; at Darrel Cunanan Y Supan, 27 anyos, ng Brgy. San Antonio, Mexico, Pampanga.

Nakumpiska mula sa kanila ang hindi pa mabatid na gramo ng Shabu at isang Shabu paraphernalia.

Kaugnay nito, detenido ngayon ang mga suspek sa PDEA detention cell habang inihahanda ang kasong paglabag sa Sec. 5,11 Article ll ng Republic Act 9165.

(TONY DELA PEÑA)  

loading...

Leave a Reply

Your email address will not be published.