Senglot na Parak, Arestado sa Panunutok

ARESTADO ANG isang pulis makaraang manutok at maagawan pa ng baril ng isa sa dalawang kalalakihan na kanyang tinutukan habang ang una ay nasa impluwesiya ng alak sa Caloocan City kahapon ng madaling-araw.

Kinilala ni Caloocan City Chief of Police Senior Supt. Bernanrd Tambaoan ang  naarestong suspek na si PO3 George Conde, nasa hustong gulang, nakatalaga sa Pasay City Police Station.

Ang mga tinutukan ng baril ng suspek ay nakilalang sina Mark Jonas Cuaresma, 28, binata; at John Alexis, 20, kapwa residente ng 10th St., 10th. Avenue, Grace Park, Caloocan City.

Base sa ulat ng Caloocan City Police Station, dakong ala-1:30 ng madaling-araw nang maganap ang panunutok ng baril sa kahabaan ng 7th St., 10th Ave.

Sa naging reklamo nina Cuaresma at Alexis, kasalukuyan silang naglalakad sa nasabing lugar nang makasalubong nila ang suspek at isang hindi nakilalang kasama na lasing umano sa alak.

Biglang sinuntok umano ng suspek si Cuaresma na humantong sa umaatikabong pagpapalitan ng suntok.

Matapos ang pagsusuntukan ng dalawa ay mabilis na nagpunta ang pulis sa kanyang sasakyan at kinuha ang kanyang service firearm na .9mm at tinutukan ng baril ang dalawang biktima.

Dahil sa kalasingan ng suspek, nagawang maagaw ni Cuaresma ang hawak na baril at saka mabilis na nagtatakbo papunta sa kanilang barangay hall kung saan ay agad na nagresponde ang mga barangay tanod na nagresulta sa pagkaka-aresto sa nasabing pulis.

Ang suspek ay nakapiit ngayon sa detention cell ng nasabing himpilan ng pulisya at ipaghaharap ng kasong gun toting at paglabag sa Comelec Omibus Election Code (gun ban).

(ROMAN MAGPOC)

 

loading...

Leave a Reply

Your email address will not be published.