Sen. Revilla, sa Ombudsman ka Magpaliwanag – Whistleblowers

SINAGOT NG abogado ng mga whistleblower sa pork barrel fund scam na si Levito Baligod ang alegasyon ng kampo ni Senador Bong Revilla Jr. na nadidiin sa nasabing isyu.

Base sa isang pahayagan ang sagot ng kampo ng senador matapos mabanggit ang pangalan nito sa ikalawang pagdinig ng Senate Blue Ribbon Committee na naglaan ng kanilang priority developemtn fund (PDAF) gayundin sina Senador Juan Ponce-Enrile at Jinggoy Estrada.

Iginiit ni Baligod na walang batayan para magsinungaling ang mga whistleblower sa kanilang akusasyon.

May mga litrato aniya para mapatunayan ito kung saan bago pa naman lumabas ang ulat ng COA, lumutang na ang whistleblowers para magsalita sa iregularidad sa PDAF, na pinatunayan na lamang kamakailan ng laman ng nabanggit na ulat.

Pukol ng kampo ng mga whistleblower, lagda ng senador ang makikita sa dokumentong hawak nila.

Sinabi pa ni Baligod na tumatanggap din ng komisyon ang kampo ni Revilla na inuutos umano nitong kunin ng kanyang chief of staff.

“Napakahirap sabihin na hindi nalalaman ni Sen. Bong Revilla ang ginagawa ng kanyang chief of staff lalong-lalo na milyon-milyong PDAF ang pinag-uusapan,” ani Baligod.

“Doon na lamang po niya ipaliwanag at kumbinsihin niya ang Ombudsman later sa depensa niya.”

Kasama na rin niyang ipaliwanag sa Department of Justice (DOJ) at Ombudsman kung bakit sa “dummy” non-governmental organizations (NGOs) inilaan ang PDAF niya.

Ito ang sinabi ng apat na whistleblowers na siya lamang pinagkakatiwalaan ni Janet-Lim Napoles.

Lumalabas sa pahayag ng mga whistleblower, minsan si Napoles o sila na ang nag-aabot ng komisyon sa chief of staff. Minsan naka-paper bag pa ito depende sa halaga.

Ngunit sa Kongreso, fund transfer sa bangko ang ginagamit kung saan sumusulat ang pangulo ng NGOs sa bangko para maisalin ang pondo sa mambabatas.

Iba pa aniya ang mga ito sa hawak niyang whistleblowers.

Samantala, nakuha aniya ng mga ito ang mga libro dahil empleyado pa rin sila noong naisyuhan na ng arrest warrant si Napoles.

Samantala, sinasabing laman ng mga naturang libro ang listahan ng mga mambabatas at mga transaksyon nito sa bogus na NGOs.

(PARAZZI REPORTORIAL TEAM)

loading...

One thought on “Sen. Revilla, sa Ombudsman ka Magpaliwanag – Whistleblowers

Leave a Reply

Your email address will not be published.