Sen. Marcos, Ipinagtanggol ang Ama sa Pagpapasuot ng Damit Pambabae sa mga General

DUMIPENSA SI Sen. Bongbong Marcos sa balitang pinagsuot umano ng kanyang ama ang mga heneral nito ng damit-pambabae sa isang birthday party sa Malacañang noong dekada ‘70.

Sa kanyang Facebook page, sinabi ng mambabatas na sakali mang may katotohanan ang nasabing impormasyon na nagmula sa US secret cables, siguradong katuwaan lang ito at hindi naman pinilit ang mga heneral.

Sa isinapublikong secret US cables sa pamamagitan ng WikiLeaks, tila ipinasilip ang labis na karangyaan ng pamilya Marcos.

Base sa confidential memo na ipinadala ng noo’y US Ambassador to Manila William H. Sullivan, inihayag nito kung paanong pinagsuot ng namayapang diktador Ferdinand Marcos ng damit pambabae ang kanyang mga heneral maliban sa noo’y constabulary commander na si Fidel V. Ramos.

Hindi ito nagustuhan ni Sullivan lalo’t kita aniya kung paanong naasiwa ang mga asawa ng mga heneral habang siyang-siya naman si Marcos.

Kung hindi man ito nagustuhan ni Sullivan, personal na niya itong opinyon at hindi dapat ituring na katotohanan, ayon sa senador.

Samantala, sinabi pa ng nakababatang Marcos na nag-aaral siya noon sa England nang maganap ang naturang party.

(PARAZZI REPORTORIAL TEAM)

loading...

Leave a Reply

Your email address will not be published.