Sekyu, Tigok sa Sumpak

PATAY AGAD ang isang security guard makaraang barilin ng sumpak ng isang siga-siga matapos na madawit ang una sa gulo na kagagawan umano ng isa sa kanyang mga kasamahan habang nagsisitaya sa saklang-patay sa Caloocan City kahapon ng madaling-araw.

Tama ng bala ng sumpak ang ikinamatay ng biktimang si Chester Enopia, 36, security guard at residente ng 61 Villa Maria St., Sangandaan ng nabanggit na lungsod,

Kasalukuyan namang naghihimas ng rehas na bakal ng piitan ng Caloocan PNP ang suspek na nakilalang si Elizaldy Valibia, 36, walang hanapbuhay at kalugar ng biktima.

Base sa isinagawang imbestigasyon ng Station Investigation and Detective Management Branch (SIDMB) ng Caloocan PNP, dakong alas-2 ng umaga kahapon nang maganap ang nasabing insidente sa Villa Maria St., Sangandaan.

Nabatid na bago u-mano maganap ang nasabing insidente, ang biktima, ilang kasamahan ng napatay at ang suspek ay pare-parehong tumataya sa saklang-patay sa nasabing lugar.

Sa hindi malamang dahilan ay biglang nagkagirian ang grupo ng biktima at ang suspek hanggang sa biglang naglabas ang huli ng sumpak at agad na pinutukan ang grupo ng biktima kung saan ay minalas na tamaan ang nasabing security guard na agarang ikinamatay nito.

Nang magsagawa ng follow-up operation ang mga element ng Caloocan PNP sa lugar na pinangyarihan ng insidente, agad na naaresto ang suspek at nakum-piska rito ang ginamit na sumpak.

(ROMAN MAGPOC)

Tags: ,
Balita

About the Author

has written 12690 stories on this site.

loading...

Leave a Reply

Your email address will not be published.