Sekyu, Sugatan sa Boga na Ginawang Pangkamot

HINDI INAKALA ng isang security guard na simpleng pagkamot gamit ang kanyang baril ang muntik na niyang ikapahamak matapos na pumutok ito at tamaan ang kinakamot niyang tiyan sa lungsod Quezon, ayon sa mga awtoridad kamakailan.

Sinabi ni Superintendent Michael Macapagal, hepe ng Talipapa Police Station na si Herbert Donato, 26, residente ng Insurance St., Brgy. Sangandaan, ay agad namang dinala sa ospital matapos ang insidente.

Ang naturang insidente ay nangyari alas-5:15 ng hapon sa hanay ng bagong ginagawang commercial unit na matatagpuan sa panulukan ng Benefits at Insurance Streets sa Brgy. Sangandaan kung saan naka-poste ang guwardiya.

Nabatid ng opisyal na si Donato ay naka-duty nang mabaril nito ang kanyang sarili gamit ang kanyang service pistol na kalibre .38.

Ayon sa caretaker sa lugar na si Bonifacio Espiritu at si Gilbert Herrera, sales agent, bago ito nagkukuwentuhan sila ng guwardiya habang nakaupo nang makita nilang inilabas ng biktima ang kanyang baril na nakasilid sa holster saka ginamit na pangkamot sa kanyang tiyan.

Gayunman, bigla umanong nagulat ang dalawa nang biglang pumutok ang baril at tinamaan ang sekyu.

Samantala, agad namang tinulungan ng dalawa ang biktima at isinugod ito sa Quezon City General Hospital (QCGH) kung saan siya nagpapagaling.

 (PARAZZI REPORTORIAL TEAM)

loading...

Leave a Reply

Your email address will not be published.