Seguridad sa lungsod tiniyak ni Recom

 

TINITIYAK NI Caloocan City Mayor Enrico “Recom” Echiverri ang seguridad ng mga residente ng lungsod laban sa masasamang elemento ng lipunan sa pagsapit ng “ber” months o nalalapit na paggunita ng kapaskuhan.

Kasabay nito, inalerto na rin ni Echiverri ang lokal na pulisya sa buong lungsod kung saan ay 24/7 ang gagawing pagpapatrolya upang hindi makasilip ng pagkakataon ang mga magnanakaw at holdaper na gumawa ng krimen.

Bukod din sa mga umiikot na naka-unipormeng pulis ay nagpakalat na rin ang lokal na pulisya ng mga hindi unipormadong awtoridad na magmamanman naman sa mga masasamang loob.

Maging ang mga tauhan ng Reformed Department of Public Safety and Traffic Management (RDPSTM) ay inatasan na rin ni Echiverri sa pagpapanatili ng kaayusan at katahimikan sa buong lungsod.

Nakipag-ugnayan na rin si Liga ng mga Barangay sa Pilipinas President, Councilor Ricojudge “RJ” Echiverri sa mga opisyal ng barangay upang patulungin ang mga tanod sa pagpapanatili ng katahimikan sa kanilang nasasakupang lugar.

Bukod sa mga pulis na makikita sa mga pangunahing kalsada ay nagtalaga na rin si Caloocan City Chief of Police, Sr. Supt. Jude Wilson Santos ng mga tauhan nito sa mga mall, bus terminal at iba pang matataong lugar.

Base sa record ng Philippine National Police (PNP), tumataas ang bilang ng krimen sa panahon ng “ber” months kung saan ay naghahanda ang mga Pilipino sa paggunita sa kapanganakan ni Hesukristo.

Sa panahon kasing ito ay sinasamantala ng mga kriminal ang pagiging a-bala ng mga tao lalo na sa pamimili ng kanilang mga ipang-reregalo kung saan ay humahalo ang mga ito sa mga matataong lugar para lamang makapang-biktima.

Pinayuhan din ni Mayor Echiverri ang mga residente na makipagtulungan sa mga awtoridad upang mahuli ang masasamang loob na ito sa pamamagitan ng pagtawag sa himpilan ng pulisya sakaling may makitang tao na may kahina-hinalang kilos sa kanilang lugar.

Tags: ,
Balita

About the Author

has written 12690 stories on this site.

loading...

Leave a Reply

Your email address will not be published.