Sec. Robredo, hinamon ng mga Gambling Lord

LORDDAHIL SA PANANAHIMIK ni DILG Sec. Jesse Robredo sa isyu ng illegal gambling sa kabila ng pagkaladkad ng ilang collector sa kanyang pangalan, tahasang hinamon ito ng mga “gambling lord” na patunayang wala siyang kinalalalaman sa pangungulekta sa kanila.

Matatandaang ilang araw matapos umupo si Robredo sa pagiging secretary ng Department of Interior and Local Government, ilang “gambling collectors” ang agad na umikot sa mga gambling lord at nangulekta ang mga ito na sinasabing para raw kay DILG Secretary.

Pinangalanan din ng mga impormante ang mga collector na sina Larry Javier (Maynila), alyas Tagoy (Camanava), alyas Bungal (Quezon City), at SP01 Raymund Santos (Eastern).

Sa buong Luzon naman, ayon pa sa mga impormante, isang SP03 Ronel Tuason naman at alyas Jerry Salustiano ang umiikot at nananakot pa umanong ipare-raid agad ni Sec. Robredo ang sinumang gambling lord na hindi magbibigay.

Ang bagay na ito ay agad namang kinumpirma ni Allan Manuela, na sinabing maging ang kanyang among si Hon. Nepumuceno ay inikutan na rin umano ng nasabing mga “DILG collector.”

Maging ang tomboy na anak ni Tony S. ay umamin din sa Parazzi Investigative Team na maging ang kanyang tatay na si Tony S. ay naobliga na rin umanong magbigay sa nabanggit na mga collector.

Matatandaang ang mga bahagi ng Marikina, Pasay City, Caloocan, Quezon City, Paranaque, Las Pinas, Taguig, Pateros at Cavite ay sakop umano ng operasyon nina Tony S. at Honorable Nepumuceno.

Ang ipinagtataka umano nila ay kung bakit sa kabila ng pagkabulgar sa nasabing “collection” para kay Sec. Robredo ay hindi man lang umano gumawa ng anumang hakbang ang DILG laban sa nabanggit na mga collector upang mapatunayang malinis ang DILG sa isyu ng iligal na sugal.

Sa kaugnay na balita, maging si Atong Ang ay inirereklamo rin ng nasabing gambling lords dahil sa pangungulekta rin umano nito na ang ginagamit naman na pangalan ay si NBI Director Magtanggol Gatdula.

Pinoy Parazzi News Service

loading...

Leave a Reply

Your email address will not be published.