Search Warrant sa Bahay ni Sen. Bong Revilla, Hinihintay ng PNP

HINIHINTAY NA lamang ng Cavite Police na ipalabas ang search warrant na kanilang hiniling sa korte upang mahalughog na nito ang bahay ni Senator Ramon “Bong” Revilla sa Cavite.

Naniniwala ang Philippine National Police (PNP) na maliban sa anim na National Bureau of Investigation (NBI) agents na kanilang nadakip at sinampahan ng kaso, mayroon pa umanong 30 mga armadong NBI agents ang nagtatago sa bahay ng senador.

Target ng mga kinauukulan ang nasabing mga agents dahil lumalabag ang mga ito sa ipinatutupad na gun ban ng Commission on Elections (Comelec) na epektibo pa rin hanggang June 12, 2013.

Sinabi ni Supt. Rommel Estolano, tagapagsalita ng Cavite PNP na hangga’t hindi nila nagagalugad ang bahay ng senador, mananatili ang kanilang hinala hinggil sa 30 armadong NBI agents.

Ayon kay Estolano, nagtalaga sila ng mga miyembro ng PNP sa lugar upang magbigay ng police visibility ngunit itinanggi nito na kino-cordon nila ang bahay ng senador.

Itinanggi naman ni Rep. Lani Mercado-Revilla na mayroong 30 armadong NBI agents na nagtatago sa kanilang bahay.

Naniniwala ang pamil-ya Revilla na politically-motivated ang nangyayari sa kanila.

Samantala, kinumpirma ng maybahay ni Senator Bong na hanggang ngayon ay nasa kanilang vicinity pa rin ang presenya ng mga awtoridad.

(PARAZZI REPORTORIAL TEAM)

loading...

Leave a Reply

Your email address will not be published.