SC, Binawi ang Iligal na Resolusyon ni Sereno

BINAWI KAHAPON ng Korte Suprema (Supreme Court o SC) ang umano’y iligal at pekeng resolusyon na inilabas ni Chief Justice Ma. Lourdes Sereno kaugnay sa pagbuhay sa Regional Court Administration Office (RCAO) sa Central Visayas. Base ito sa napagkasun-duan ng mga mahistrado ng SC sa huling en banc session para sa taong 2012.

Napag-alamang dumalo rin si Sereno sa deliberasyon at nakaharap ang iba pang mga mahistrado matapos itong ‘di sumipot sa en banc session noong nakaraang linggo.

Nauna nang nanawagan si Senior Associate Justice Teresita Leonardo de Castro sa isang memorandum na bawiin ang nasabing resolusyon ni Sereno, dahil iligal umano iyon at hindi aprubado ng mga mahistrado sa kanilang en banc session noong November 27.

Tinukoy ni De Castro na walang kapangyarihan ang punong mahistrado na lumikha ng judiciary decentralized office at pagkaitan ang Kataas-taasang Hukuman sa pagganap sa constitutional duty nito na mangasiwa sa lahat ng mga korte sa bansa.

Samantala, itinalaga ng SC si Justice Jose Perez para pamunuan ang grupo na mangunguna sa pag-aaral kung nararapat bang buhayin ang RCAO.

(PARAZZI REPORTORIAL TEAM)

 

loading...

Leave a Reply

Your email address will not be published.