Sasakyan ng Pinaslang na Advertising Exec, Natagpuan na

NATAGPUAN NA ang sasakyan ng pinatay na 25-anyos na senior account manager ng McCann Worldgroup, kahapon ng umaga.

Kinumpirma ni Senior Supt. Reuben Theodore Sindac, tagapagsalita ng Philippine National Police (PNP) na narekober sa Camella Homes 4 sa Las Piñas City ang kotse ni Kristelle “Kae” Davantes.

Ayon kay Sindac, sinusuri na ng scene of the crime operatives (SOCO) ang narekober na Toyota Altis na malaking tulong aniya sa ikalulutas ng kaso.

Ikinatuwa naman ng Pamilya Davantes ang “breakthrough” sa kaso ng biktima na inilibing na rin kahapon.

Tiniyak ni Sindac na hindi maisasantabi ang pagresolba sa kaso sa kabila ng pagtutok ng mga awtoridad sa tensyon sa ilang bahagi ng Mindanao.

Una nang bumuo ng task force ang PNP para tumutok sa pagsisiyasat sa kaso ng pagpaslang kay Davantes.

Nag-alok na rin ng P200,000 pabuya ang National Capital Region Police Office (NCRPO) sa sinumang makapagbibigay ng impormasyon sa ikadarakip ng mga salarin sa pagpatay sa advertising executive.

Matatandaan na hu-ling nakasama ni Davantes ang tatlong kaibigan matapos gumimik sa Bonifacio Global City, gabi ng Biyernes, Setyembre 6 at kinabukasan, natagpuan ang labi ni Davantes sa ilalim ng tulay sa Silang, Cavite.

 (PARAZZI REPORTORIAL TEAM)

 

 

loading...

Leave a Reply

Your email address will not be published.