Sapaw si Secretary

KUNSINTINDOR ANG MAMBABATAS na naghain ng panukalang anti-corporal punishment.

Kapag napagtibay, ipinakukulong ng batas ang mga magulang na mamamalo sa kanilang anak.

Ito na ang hudyat ng lalo pang pagkasira ng ating lipunan.

Ipakulong n’yo na ako pero hindi ko hahayaang maging matigas ang ulo at maging utak-kriminal ang aking mga anak!

Kung ang tamang paraan ng pagpalo sa mga salbaheng bata ang magiging daan para maituwid ang kanilang landas, sino ang puwedeng humarang?

Mismong ang Banal na Bibliya ang nagsabi na ang nag-uurong ng pamalo sa bata ay para mo na rin silang itinutulak sa kasamaan.

HINOG NA HINOG ang usapan sa paghihiwalay nina Noynoy at Shalani.

Nag-text ako kay Shalani para magmula mismo sa kanya ang kumpirmasyon.

Ang sabi ko, sa kanya lang ako maniniwala kapag siya ang nagsabi na totoo ang break-up nila ni Noynoy.

Affirmative, yes ang sagot niya sa akin.

Mahirap masangkot sa puso ng sino mang nakaupong Pangulo dahil t’yak na walang panahon sa pag-ibig ang mga ‘yan.

Shalani, marami akong panahon baka gusto mo akong ibigin kahit hindi ako Presidente.

PARANG TONG-ITS, HINDI makapag-draw si IIRC Chairperson Leila De Lima dahil sa sinapawan siya ng Malacañang review panel.

Kabaligtaran ng lahat ng kanilang findings ang ginawang rekomendasyon ng Palasyo dahil sa dami ng pinalusot.

Hindi ako magtataka kung bigla na lamang mag-alsa balutan si De Lima dahil sa pag-apak ng Palasyo sa kanyang poder.

Magawa naman kaya?

MAY MGA KUMITA na naman sa Comelec bidding para sa barangay at SK elections.

Iyong mga nagwaging supplier ay matagal nang may nakahandang election paraphernalias dahil nga alam na nilang sila ang makakukuha ng kontrata.

Kulang-kulang P300 milyon ang proyektong ito, ibig sabihin, malaki-laki rin ang komisyon kung 30% ang tagaan!

DAPAT MABIGYAN DIN ng kredito si Maria Ressa sa pagbabagong-mukha ng ABS-CBN news.

Marami rin siyang nagawa na masasabing naglagay sa Dos sa mapa ng maayos na balitaan.

Masyado lamang istrikto si Maria kaya marami rin ang hindi siya kursunada.

Iyong Bibliya ng ABS-CBN o kung tawagin ay Code of Ethics ay creation ni Maria Ressa na parang posas na gumapos sa mga reporters at sa lahat ng empleyado sa news.

Strictly speaking, kung isasabuhay mo ang Code na ito, halos hindi ka puwedeng makipagkaibigan sa mga pulitiko o sa mga nasa posisyon.

At parang sinasabi rin na bawal kang kumain sa press conference dahil ang host na siyang nagpatawag ng pulong-balitaan ay posibleng mapaboran sa anggulo ng gagawin mong balita dahil sila ang magbabayad ng iyong kakainin.

Tama rin naman.

BAKIT NAMAN SI Jesse Verzosa ang gustong ipalit kay Secretary Jesse Robredo sa DILG?

Kung gagawin ito ni Noynoy, pagdududahan ko na talaga ang katinuan ng kanyang isip.

Baka maniwala na ako sa inilabas ni Senador Alan Peter Cayetano noong panahon ng eleksiyon.

Magtatabaan na naman ang mga kongresista at mga senador dahil sa karagdang pork barrel mula sa Road User’s Tax.

Additional P50 million sa mga kongresista at additiaonal P100 million sa mga senador.

Magiging P125M sa congressmen at magiging P300M naman sa senador.

Sobra-sobrang kolesterol na ‘yan baka naman, baka sunud-sunod na kayong ma-stroke n’yan!

Pulandit
Allan Encarnacion
allanpunglo@yahoo.com

loading...

Leave a Reply

Your email address will not be published.