Sanggol sa Talahiban,Inakalang Pusa

TINATAYANG ISA hanggang dalawang buwang gulang na sanggol na babae na pinaniniwalaang inabandona ang natagpuan ng isang construction worker habang nanunubig sa isang talahiban sa Caloocan City kamakalawa ng madaling-araw.

Puno ng putik, gutom na gutom at basang-basa sa ulan ang sanggol nang makita ng isang construction worker na kinilala ng Barangay 170 Chairman Rogelio Garma na si Jun Mayo, samantalang hindi pa nakikilala ang walang pusong ina na nag-iwan sa kanyang sanggol.

Sa inisyal na imbestigasyon, bandang alas-5:00 ng madaling-araw nang matagpuan ang sanggol sa isang talahiban ng construction site na ginagawang subdibisyon sa Deparo, Caloocan City.

Naisipang umihi ni Mayo sa isang poste, hindi pa man nakakaihi ay nakarinig siya ng iyak. Ang akala niya noong una ay isang pusa ngunit laking gulat na lamang niya na isang sanggol na balot nang putik at basang-basa sa ulan ang kanyang nakita, nakabalot ito sa lampin na mayroong nakasulat na inisyal na “GNA” sa dulo .

Agad niyang dinala sa barangay hall ang sanggol na agad ding dinala sa Department of Social Welfare and Development (DSWD).

Samantala,isang mag-asawa ang pansamantlang kumupkop sa sanggol na pansamantala nilang pinangalanan na “Baby Angel”. Sila rin ay nagpasyang aampunin umano ang sanggol kung sakaling hindi ito balikan ng kanyang ina. Posibleng maharap sa kasong Parental Neglience in Relation to Child Abuse ang inang nag-iwan sa sanggol.

(ROMAN MAGPOC)

loading...

Leave a Reply

Your email address will not be published.