Sanggol, natagpuan buhay sa tabi ng bangkay ng ina

NORZAGARAY, BULACAN – HIMALANG nakaligtas ang isang 2-taong gulang na batang lalaki habang katabi ang kanyang ina at isang matandang lalaki na tadtad ng saksak sa iba’t ibang bahagi ng katawan sa Sitio Caymino, Brgy. Bitungol kamakalawa ng umaga.

Sa report ni P/ Supt. Bruno Viola kay PNP Provincial Director P/Sr. Supt. Fernando H.Mendez, Jr. nakilala ang mga biktima  na sina si Reynaldo Follosco, 60 anyos, empleyado ng Land Management Bureau at residente ng 465 Antipolo St., Gagalangin, Tondo, Manila at Sharmaine Santos Y Garcia 18 anyos ina, ng dalawang taong gulang na sanggol.

Base sa inisyal na im-bestigasyon, isang Jose Sarmiento na taga-Sapang Palay, San Jose del Monte City, ang siyang nakakita sa mga biktima habang naglalakad sa masukal at madamong lugar ng Caymino Road, kung saan nakarinig ito ng  iyak ng bata na dali-dali niyang pinuntahan.

Nabatid na tadtad ng saksak ang mga ito, nakatali ang kamay ng babae habang katabi nila ang sanggol na puno ng galos at kagat ng insekto sa halos sampung talampakang lalim ng bangin.

Dagling tumawag si Sarmiento ng mga barangay tanod at agad na dinala ang sanggol sa ospital para malapatan ng agarang lunas habang dinala ang bangkay ng dalawa sa RJ Funeral Parlor.

Kaugnay nito pansamantalang kukupkupin ng Municipal Social Welfare Development Office ang bata habang nagsasagawa pa ng imbestigasyon ang mga pulis.

Ayon sa mga barangay tanod, posible umanong  pinatay sa ibang lugar ang mga biktima at itinapon lamang sa madawag na lugar ng Norzagaray.

Samantala, patuloy naman ang isinasagawang follow-up imbestigation ng mga awtoridad hinggil sa karumal-dumal na pamamaslang. (TONY DELA PEÑA)

Pinoy Parazzi News Service

Tags: ,
Balita

About the Author

has written 12690 stories on this site.

loading...

Leave a Reply

Your email address will not be published.