Sanggol, Inatado ng Sariling Ina

KASALUKUYANG KRITIKAL ang kalagayan ang 11-buwang gulang na sanggol na lalaki matapos itong pagsasaksakin ng sariling ina sa gitna ng pakikipag-away sa kanyang ka-live-in sa Baguio City noong Martes ng gabi.

Patuloy na lumalaban sa Baguio General Hospital and Medical Center ang nasabing sanggol na tinukoy lamang sa palayaw na Baby Boy Refugia sa tinamong mga saksak sa katawan.

Nahaharap naman sa kasong kriminal ang ina ng sanggol na si Jona Cris Refugia, 18, ng San Luis Extension sa Barangay San Luis.

Base sa report ni P/Supt. Davy Vicente Limmong na nakarating sa Camp Crame, bago mangyari ang insidente ay naki-pag-inuman ang magka-live-in na sina Refugia at John Soliven sa mga kabarkada sa kanilang bahay kung saan ay nauwi sa awayan.

Nagkasigawan ang dalawa hanggang sa kanilang silid ay nag-aaway pa ang mga ito sa hindi tinukoy na dahilan hanggang sa biglang kumuha ng kutsilyo ang naturang babae.

Bigla na lamang pinagdiskitahan ng salarin na pagsasaksakin ang natutulog nitong sanggol sa gitna ng kanilang argumento ng kinakasama.

Samantala, mabilis namang isinugod ni Soliven sa ospital ang anak kasunod ang nahimasmasan nitong ina.

Sa ngayon, isinailalim na sa kustodya ng Baguio City PNP ang salarin para panagutin sa ginawang krimen.

 (PARAZZI REPORTORIAL TEAM)

loading...

Leave a Reply

Your email address will not be published.