SAN JUAN CITY HALL, NILUSOB NG MGA ISKUWATER

DUMAGSA ANG TINATAYANG 50 pamilyang iskuwater sa city hall ng San Juan para iprotesta ang nakatakdang demolisyon sa kanilang lugar pagpasok ng buwan ng Enero sa susunod na taon.

Nagkaroon ng tensiyon ang protesta ng nasabing grupo ng maralitang sektor na nilahukan ng militanteng grupo mula sa Bayan, Anakpawis at Gabriela matapos na magkaroon ng tulakan sa pagitan ng mga raliyista at mga kapulisan na nagtangkang pumigil sa mga ito.

Isa namang raliyista ang inaresto at patuloy na iniim-bestigahan ng San Juan Police matapos na magtangkang mang-agaw ng baril sa isa sa mga pulis.

Ayon kay Grace Cortez, hepe ng San Juan public information office, matagal nang naka-iskedyul ang demolisyon, kung saan ibinigay lamang sa mga residente ang “notice to vacate” kamakalawa. Tinukoy nito na nasa 65 pamilya lamang ang apektado na nagtayo ng mga bahay sa paligid ng Pinaglabanan Shrine na itinuturing na nga-yong “national shrine”.

Tuluy-tuloy naman umano ang dayalogo sa mga residente. Nag-alok na rin ng pabahay ang pamahalaang lokal sa Calauan, Laguna na babayaran lamang nila ng P300 kada buwan habang magbibigay naman ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) ng “start-up money” para sa pag-uumpisa ng buhay nila sa bagong bahay.

Pinangunahan ang mga nagprotestang residente ng mga militante buhat sa Bagong Alyansang Makabayan, Anakpawis at Gabriela. Isa sa mga raliyista umano ang nagtangkang mang-agaw ng baril ng isa sa mga pulis sanhi upang arestuhin ito kung saan pumalag ang mga demonstrador sanhi ng pagtutulakan sa magkabilang panig.

Ipinaliwanag naman ni Cortez na noon pang panahon ni dating Pangulong Joseph Estrada, pinaaalis ang mga residente sa paligid ng Pinaglabanan Shrine kung saan marami na sa mga orihinal na pamilya ang lumipat sa San Juan Resettlement Site o mas kilala bilang Erap City sa Taytay, Rizal.

Iginiit ni Cortez na bukod sa 65 pamilya, pawang mga propesyunal na squatters na ang pumalit sa mga naninirahan sa Pinaglabanan Shrine na siya pa ngayong nanguna sa kilos-protesta.

(GIGI CONVOCAR)

Pinoy Parazzi News Service

loading...

Leave a Reply

Your email address will not be published.