San Beda, Mananagot sa Hazing Case

POSIBLE UMANONG may pananagutan din ang mga school official ng San Beda College kaugnay sa pagkamatay ng isa sa mga law students nito dahil sa fraternity hazing.

Ayon kay Commission on Higher Education (CHED) executive director Julito Vitriolo, malinaw umanong may kapabayaan ang mga opisyal sa pag-regulate ng mga fraternities sa kanilang paaralan.

Tinukoy rin ng opisyal na sa loob lamang ng taong ito, dalawang kaso na ng hazing ang kinasasangkutan ng mga estudyante ng San Beda.

Hindi umano katanggap-tanggap ang paliwanag ng San Beda, na kaya wala itong isinusumiteng listahan ng mga campus fraternities ay dahil hindi nila ito kinikilala, giit ni Vitriolo.

“Responsibilidad pa rin ng paaralan to maintain peace and order… hindi dapat ipagbalewala lang ito. Unang-una, mga estudyante nila iyan, may liability riyan kung ano man ang mangyari sa mga iyan,” dagdag pa ng opisyal.

Samantala, maaaring simulan na ng Senado sa Martes sa susunod na linggo ang sariling pagsisiyasat kaugnay ng pagkamatay ni Marc Andrei Marcos, isang law student ng San Beda College, na umano’y namatay sa hazing sa Cavite.

Sinabi ni Sen. Gringo Honasan na ipinag-utos na ni Senate President Juan Ponce Enrile sa kaukulang komite sa Senado ang pagsagawa ng pagsisiyasat sa layunin na lalong mapalakas ang umiiral na batas at mabigyan ng hustisya ang biktima ng hazing. (PARAZZI REPORTORIAL TEAM)

Tags: ,
Balita

About the Author

has written 12690 stories on this site.

loading...

Leave a Reply

Your email address will not be published.