Saku-sakong Pampasabog, Nasabat sa Masbate

IKINOKONSIDERA NG mga kinauukulan sa Masbate na isang tagumpay ang pagkakaaresto sa isang lalaki na nagtangkang magpuslit ng saku-sakong pampasabog habang nakasakay sa pampasaherong bus.

Base sa impormasyon na ipinaabot ni Col. Arnold Albis, pinuno ng Regional Special Operations Task Group (RSOTG), inaasikaso na nila ngayon ang kasong isasampa sa suspek na nakilalang si Jamie Della y Cece, 40-anyos at residente ng Brgy. Palos, Mandaon, na lu-mabag sa RA 9516 o ang Illegal Possession of Explosives and Devices.

Napag-alaman din na naharang ng pinag-isang puwersa ng 1st Platoon Alpha Company, Probational Battalion ng Masbate Public Safety Company at ng Mandaon Municipal Police ang salarin sa isinagawang checkpoint operation sa bahagi ng crossing ng Barangay Mabato-bato.

Sakay ito ng isang pampasaherong bus na may plakang EVU 515 na biyaheng Aroroy, Masbate at minamaneho naman ng isang Danilo Villamor, residente ng Barangay Malinta, lungsod ng Masbate.

Samantala, narekober sa salarin ang 100 piraso ng blasting caps na nakasilid sa dalawang sako at isang kahon na naglalaman ng ammonium nitrate na tinatayang nasa 75 kilos.

(PARAZZI REPORTORIAL TEAM)

loading...

Leave a Reply

Your email address will not be published.