Sagot ng PNP kay Sen. Bong: Matibay ang Ebidensya Namin

IGINAGALANG NG MGA kinauukulan ang damdamin ng pamilya Revilla sa mistulang pagdududa sa resulta ng kanilang pagsisiyasat, kaya humihiling ang mga ito ng reinvestigation.

Magugunitang kamakailan ay emosyunal na hiniling ni Sen. Bong Revilla sa PNP na muling pag-aralan ang kaso, dahil hindi sila kumbinsido sa pagdidiin kina Joseph at Ramona na kapatid mismo ng biktimang si Ram.

“Nakikiusap ako na kung maaari na magkaroon ng reinvestigation, siguraduhin natin na tama ba ‘yon, parang hindi kapani-paniwala na kayang gawin iyon ng aming kapatid, at kung saka-sakali naman na ginawa nila, dapat nilang panagutan, pero sa tingin namin parang hindi kayang gawin,” ayon sa senador.

Matibay ang kanilang mga testimonial evidence, lalo’t isa sa mga biktima na si Janelle Manahan ang nagtuturo sa naging papel ng mga suspek, ayon naman kay Parañaque chief of police S/Supt. Billy Beltran.

Pinagbasehan din umano nila ang testimonya ng guwardya, ang lumantad na hired killer na si Ruel Puzon at iba pa.

Kung may bago at mabigat na ebidensya ang mga Revilla para sa ibang bersyon ng kaso ay mangyari lamang umano na iprisenta ito sa mga imbestigador o sa mismong piskal na may hawak sa usapin, ani Beltran.

Buwelta ni Parañaque Police Intelligence Unit head C/Insp. Fergen Torred, nauunawaan nila ang reaksyon ng pamilya sa pagkakadawit ng magkapatid na sina Ramon Joseph, 18, at Maria Ramona, 20, sa kaso ng pagpaslang kay Ramgen, 22.

Itinakda kahapon ang case conference ng Parañaque police kasama ang mga imbestigador upang ipunin ang mga dagdag pang nakalap na mga ebidensya.

Nagpahiwatig naman si Genelyn Magsaysay, ina ng napatay na si Ram, na malaking tao umano ang nasa likod ng panggigipit sa pamilya nila.

Inihayag ni Magsaysay na may posibilidad na malapit lang din sa kanilang pamilya ang sumisira sa kanila kung saan idinadawit ang anak nitong si RJ at Maria Ramona.

Naging emosyunal rin si Sen. Bong kasunod ng isinagawang libing kay Ram, sa Eternal Garden sa Imus, Cavite, kung saan sinabi nitong hanggang sa kasalukuyan ay shocked pa rin sila sa pangyayari.

“Tayo ay nagpapasalamat sa lahat ng mga nakikiramay at sa patuloy na nagdarasal para sa aming kapatid na si Ramgen. Ito po ay napakasamang panaginip sa aming pamilya na hanggang ngayon, parang hindi pa kami magising,” ani ng senador.

Ngunit higit na naka-kagimbal aniya ang mga sumunod na development kung saan ang mismong mga nakababatang ka-patid na sina Maria Ramona at  Ramon Joseph ang siya pang nadidiin bilang responsable sa krimen.

Giit ni Revilla, duda siyang magagawa ng kanyang mga kapatid ang pagpaslang sa isa pa nilang kapatid, kaya’t kaduda-duda ang resulta ng police investigation.

(Parazzi Reportorial Team)

Pinoy Parazzi News Service

Tags: ,
Balita

About the Author

has written 12690 stories on this site.

loading...

Leave a Reply

Your email address will not be published.